Piyansa sa mga akusado sa ‘Atio hazing case’, ibinasura

Ibinasura ni Manila Regional Trial Court Branch 20 Judge Marivic Balisi-Umali, ang petisyon para makapagpiyansa ang sampung miyembro ng Aegis Juris Fraternity na akusado sa pagpaslang sa pamamagitan ng hazing sa University of Santo Tomas (UST) Law student na si Horacio ‘Atio’ Castillo III noong Setyembre 2017.
Nabatid na ibinasura ni Balisi-Umali ang petition for bail na inihain ni Arvin Balag, head ng Juris fraternity at siyam na iba pang isinangkot sa krimen dahil sa malakas umano ang ebidensiya laban sa mga akusado.
Bukod kay Balag, kabilang sa mga akusado sina Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang, Jr.
Napatunayan ng korte na lahat ng akusado ay naroon nang isinagawa ang hazing na ikinamatay ni Castillo.
Gayundin, naestablisa sa testimonya ni Mark Ventura, fraternity brother ng mga akusado na sina Hipe, Trangia, Balag ang pumalo sa braso ni Castillo, gamit ang paddle.
“It was also established that the herein victim was subjected to physical injuries and died by reason hereof,” dagdag pa sa order ng hukom.
Nahaharap ang 10 akusado sa kasong hazing sa ilalim ng Republic Act 8049, na may parusang 40 taong pagkabilanggo kapag nagresulta ito sa kamatayan.
Nabatid na si Castillo ay sinuntok, pinalo, pinasayaw, pinainom ng egg yolk, pinatanggalan ng salawal, pinagapang sa isinagawang initiation rites noong Setyembre 17, 2017 sa library ng fraternity sa Maynila.





Comments