Pekeng pera galing ATM, ayaw palitan ng mga bangko

Isang pekeng P1,000 bill ang na-withdraw ng isang lalaki sa isang mall sa Taytay, Rizal, kamakailan.
Nalaman lang ng biktima na peke ang na-withdraw niya nang gamitin ng kanyang kapatid ang pera sa hardware store.
Ayon sa tindera ng hardware store, nalaman niyang peke ang pera dahil hindi ito magaspang tulad ng totoong pera at sinuri ito gamit ang money detector habang tiniyak naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ligtas pa ring gamitin ang mga ATM.
Gayundin, nagpaalala ito na dapat i-turnover agad sa mga bangko kung may kahina-hinalang pera.
Samantala, umani naman ito ng reaksiyon sa taumbayan kung saan may mga naniniwalang posibleng mahaluan ng pekeng pera ang ATM machine at may ilang naninindigan na sinasadya o inside job ito.
May ilang nagbahagi ng kanilang karanasan at kuwento ng netizen, ibabayad sana niya ang pera na galing sa ATM, pero nang mapansin na kakaiba ito, ibang pera na lang ang ipinambayad niya at dumiretso umano siya sa bangko para magreklamo, pero ayaw siyang paniwalaan at pinalalabas ng mga taga-bangko na nagsisinungaling siya.
Ayon sa isa pang nabiktima, nag-withdraw siya ng P500 at napansin agad niya na peke ito kaya agad na lumapit sa guard, pero hindi naniniwala ang guard kahit nagpakita siya ng resibo.
Pinapasok siya sa bangko para magreklamo, pero wala ring nangyari.
Nakakalungkot lang dahil ang perang pinaghirapan na ipinagkatiwala mo sa bangko ay napunta lang sa wala.
Marami sa atin ang madalas na nagmamadali kaya pagkatapos mag-withdraw, diretso na sa wallet ang pera at tiwala naman tayong hindi ito peke dahil naniniwala tayong dumaan ito sa inspeksiyon bago ilagay sa ATM.
Pero bakit nakalulusot ang mga pekeng pera, basta na lang ba itong inilalagay sa ATM o sinasadyang maghalo ng pekeng pera at ‘pag may nagreklamo, dededmahin lang nila?
Tayo namang mamamayan, maging mapanuri at kung may oras, suriin ang perang inilabas ng ATM at ‘wag matakot magreklamo sakaling peke ang makuha ninyo.
Panawagan sa kinauukulan, ‘wag sanang balewalain ang mga ganitong reklamo dahil mauuwi lang ito sa kawalan ng tiwala ng taumbayan sa mga bangko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments