top of page

Konting pag-inom ng tubig, dahilan ng balisawsaw

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Jan 5, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Madalas akong binabalisawsaw o ‘yung pakiramdam na palaging naiihi pero kaunti at minsan ay wala namang lumalabas na ihi. Bakit binabalisawsaw ang tao? Meron ba akong puwedeng gawin para sa sitwasyon kong ito? Salamat! - George

Sagot Ang balisawsaw ay walang eksaktong katumbas sa Ingles. Pero ang kondisyong ito ay malapit sa terminong ‘dysuria’ o hirap na pag-ihi at ‘urinary frequency’ o madalas na pag-ihi.

Sinasabing ang balisawsaw ay kondisyon kung saan nakararamdam ang tao ng madalas na pag-ihi kahit minsan ay wala namang nailalabas o pananakit ng pantog sa pag-ihi.

Maaaring ang balisawsaw ay dulot ng pagbabago sa tubig at ‘electrolytes’ sa katawan na dulot ng kakulangan sa tubig o pagkawala ng tubig sa pawis o init. Gayundin, maaaring dulot ng ibang sakit tulad ng impeksiyon sa daluyan ng ihi o UTI.

Ang mismong kondisyon ng balisawsaw ay itinuturing na sintomas ng ilang sakit na konektado sa pantog, bato o sa mga daluyan ng ihi.

Narito ang kadalasang nararanasan ng mga binabalisawsaw:

  • Madalas na pakiramdam na naiihi

  • Paghapding pakiramdam kapag umiihi

  • Pagkirot sa bandang pantog

Pinapayuhang magpatingin agad sa doktor kung ang mga sintomas na nararanasan ay tumagal na nang ilang araw. Maaaring ito ay nagpapahiwatig ng seryosong sakit na kailangan ng agarang lunas.

Ano ang gamot sa balisawsaw?

Ang gamutan nito ay depende sa sanhi nito. Kung ang dahilan ay ang kakulangan ng tubig at electrolytes sa katawan, madali itong mareremedyuhan sa pag-inom ng maraming tubig at pag-iwas sa mga maaalat na pagkain.

Ang karaniwang mga kaso ng balisawsaw ay nawawala sa loob ng isa hanggang tatlong araw. Subalit, kung ang balisawsaw ay dulot ng UTI, makabubuting magpatingin agad sa doktor upang maresetahan ng gamot. Ang mga taong may UTI ay kadalasang pinaiinom ng antibiotics.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page