Lahat ng meeting kinansela — Bong Go.. P-Digong, ipagdasal natin
- Mylene Alfonso
- Jan 4, 2020
- 1 min read

Photo: pia.gov.ph (right)
Nabigong muli na makarating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao del Sur para bisitahin at abutan ng tulong ang mga biktima ng lindol doon.
Sa halip, kinatawan na lang ang Punong Ehekutibo ni Senador Christopher ‘Bong’ Go.
Masama umano ang pakiramdam ng Pangulo ngunit, maayos naman ang kondisyon nito.
“Medyo he is not feeling well, masama ang kanyang pakiramdam. ‘Wag kayong mag-alala, sino bang 74 years old ang hindi magkakasakit? Magdasal lang po tayo para sa ating mahal na Pangulo,” saad ni Go sa Malalag, Davao del Sur.
Tiniyak naman na dadalo si P-Digong sa turn-over ceremony ng liderato ng Armed Forces of the Philippines na isasagawa ngayong araw.
“Rest assured that he is ok at mamayang gabi ay pupunta siya sa Maynila at mag-a-attend po siya ng turnover ng bagong Armed Forces Chief of Staff, bukas,” dagdag pa ni Go.
Bukod kay Go, dumalo rin si Davao City Vice-Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte sa nasabing event. Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangan ng tulog ng Pangulo dahil sa rami ng iskedyul nito.
Una nang kinansela ang pagtungo ng Pangulo sa Davao del Sur noong Huwebes Enero 2 dahil masama ang kanyang pakiramdam.
Dahil dito, sinabi ng Malacañang na kahapon na lamang tutuloy ang Pangulo sa lalawigan, ngunit, muli itong hindi natuloy.





Comments