Kulani, sign ng impeksiyon
- Shane M. Ludovice, M.D
- Jan 4, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Meron akong nakakapang bukol o parang kulani sa ilalim ng aking tainga, masakit ito lalo na kapag nagsusuklay ako kasi nababangga. Wala akong ubo o sipon at oks naman ang mga ngipin ko. Sana ay matalakay ninyo ang mga dahilan nito. Salamat! – Millet
Sagot Ang kulani o lymph node ay grupo ng mga tisyu na matatagpuan sa mga lymph vessels ng katawan. Trabaho ng mga lymph vessels na panatilihin ang balanse ng interstitial fluids ng katawan.
Tumutulong din ito sa pagbibigay ng proteksiyon laban sa impeksiyon at mikrobyo sa pamamagitan ng paggawa ng lymphocyte.
Ang lymphocyte ang gumagawa ng mga protinang sumusugpo sa mga mikrobyo at virus na napupunta sa dugo. Ang kulani ay kadalasang natatawag na glandula.
Ito ay hugis-buto at kadalasan ay kasingliit lang ng munggo o mas maliit pa. Hindi ito mapapansin o makakapa sa balat kung ito ay hindi namamaga o sumasakit.
Kadalasang namamaga ang mga kulani kung may impeksiyon sa katawan lalo na kung ito ay sanhi ng virus, mikrobyo o mga parasitiko.
May mga gamot din na nagdudulot ng pamamaga ng kulani tulad ng mga gamot na panlaban sa seizure at malaria.
Ang puwesto ng kulani ay palatandaan kung nasaan ang impeksiyon sa ating katawan.
Ang mga namamagang kulani ay kadalasang matatagpuan sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
1. Cervical region. Ito ay sa ibaba ng panga, sa harap o likod ng mga tainga o sa leeg.
2. Axillary region. Ito ay sa bandang kilikili, sa paligid ng dibdib o sa itaas na bahagi ng tiyan.
3. Inguinal region. Ito ay sa ibabang bahagi ng tiyan o sa bandang puson.
4. Pelvic cavity. Ito ay sa singit o sa paligid ng ari.
5. Abdominal cavity. Ito ay sa paligid ng abdominal aorta o sa baywang.
6. Thoracic cavity. Ito ay sa gitna ng dibdib at sa paligid ng windpipe at baga. Kapag mayroong namamagang kulani, nangangahulugan lang na may mali o may problema sa katawan.
Tandaan na ang maagang pagpapakonsulta sa doktor ay kailangan upang madaling maagapan ang anumang karamdaman na maaaring dahilan ng pamamaga ng mga kulani.





Comments