top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Blatche, balak nang tanggalin sa Gilas, bagong team bubuuin

VA
Jan 4, 2020
2 min read

MAG-UUMPISA na ang Gilas Pilipinas ng kanilang preparasyon patungo sa 2023 FIBA World Cup sa susunod na buwan.

Isang bagong koponan ang plano at nakatakdang buuin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para isabak sa darating na FIBA Asia Cup qualifiers.

Ganito ang naging pahiwatig ni SBP president Al Panlilio, kung saan inaasahang magiging bahagi ng koponan na sasabak sa opening window ng qualifiers ang sinuman sa mga Gilas cadets na sina Isaac Go, Matt at Mike Nieto, Rey Suerte at Allyn Bulanadi kasama ang mga piling PBA players.

Binabalak na rin ng SBP na tapusin na ang paglalaro ni Andray Blatche para sa Gilas bilang naturalized player.

Base sa plano, nakatakdang bumuo ang SBP ng koponang may mga batang manlalaro na maaaring maging bahagi ng national team hanggang sa susunod na tatlong taon.Dahil dito, wala na silang plano na paglaruin pa ulit ang 33-anyos at 6-foot-11 NBA veteran na si Blatche na limang taon na ring

nagsilbi sa Gilas.

Bukod naman kina Go, ang kambal na Nieto, Suerte at Bulanadi ay idinagdag din kamakailan lamang ng SBP sa hanay ng Gilas cadets kasama sina dating Ateneo standout Thirdy Ravena at University of the Philippines player Jaydee Tungcab.

Anim na laro ang itinakda sa loob halos ng isang taon ang sasabakan ng Gilas sa Group A ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.

Ang una nilang makakaharap sa Pebrero 20 ang Thailand sa larong dito idaraos sa Pilipinas bago dumayo sa Indonesia sa Pebrero 23 para sa first window ng qualifiers.

Pagkatapos ay may mahaba-haba silang preparasyon bago muling sumalang dahil Nobyembre 27 pa ang simula ng second window kung saan makakatunggali nila ang South Korea bago ang muli nilang tapatan ng Thailand sa Nobyembre 30.

Magwawakas ang kanilang double round-robin Group A matches sa Pebrero 2021 sa pamamagitan ng dalawang home games kontra Indonesia sa Pebrero 18 at South Korea sa Pebrero 21. Kabuuang 16 na slots ang paglalabanan ng 24 na mga koponan upang makasama sa FIBA Asia Cup.

Maliban sa Gilas, Indonesia, Thailand at South Korea na bumubuo sa Group A, ang iba pang mga contenders ay ang Chinese-Taipei, Japan, Malaysia at China na siyang nakahanay sa Group B, Australia, Hong Kong, New Zealand at Guam sa Group C, Bahrain, Lebanon, India at Iraq sa Group D, Saudi Arabia, Syria, Qatar at Iran sa Group E at Jordan, Kazakhstan, Sri Lanka at Palestine sa Group F.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page