Rides sa perya, tiyaking ligtas, ‘wag pera-pera lang
- Ryan B. Sison
- Jan 3, 2020
- 2 min read

Maraming kabataan ang nilulubus-lubos o sinusulit ang mga natitirang araw ng bakasyon kaya palagi silang laman ng mga pasyalan tulad ng malls, amusement parks at peryahan.
Kaugnay nito, nauwi sa disgrasya ang kasiyahan sa isang perya sa Ynares Complex sa Antipolo City nang kumalas ang isang upuan ng spiral jet ride at tumilapon ang dalawang sakay nito kung saan may isa pang nadamay.
Kumalat sa internet ang video ng insidente kung saan makikitang biglang natanggal ang isang upuan ng ride habang bumibilis ang pag-ikot nito.
Agad namang nasaklolohan ng mga bantay ng ride at ilang nakasaksi ang mga biktima at dinala sa pagamutan, gayundin, hindi pa malinaw ang dahilan ng pagkalas ng upuan ng ride.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang mga netizen na nakapanood ng video. Anila, kung nagkaroon ng aberya ang kilalang mga amusement park, tiyak na puwede rin itong mangyari sa maliliit na pasyalan tulad ng peryahan na madalas pinupuntahan ng kabataan.
Nananawagan ang publiko sa pamahalaan na ‘wag basta payagan na mag-operate ang mga ride sa perya hangga’t hindi nasisiguradong ligtas ito.
Ang problema, minsan ay pinapayagang mag-operate ang mga ganitong pasyalan dahil tiyak na daragsain ng mga tao, pero hindi naman dumaan sa tamang proseso para masiguro ang kaligtasan ng mga namamasyal.
Tipong pabor na pabor sa may-ari dahil tiyak na kikita sila kaya panawagan natin sa mga ito, ‘wag puro kita ang isipin, maglaan din ng budget para sa de-kalidad na kagamitan at kaligtasan.
‘Yung mga ganitong insidente ay hindi dapat ipagsawalambahala dahil maaari itong maging sanhi ng disgrasya.
Tayo namang mga namamasyal, maging mapagmatyag sa paligid at ‘wag basta sumasakay sa mga ride, lalo na kung pakiramdam ninyo ay hindi ito ligtas, lalo na ‘pag kasama ang inyong mga anak.
Magsilbi sana itong babala sa mga negosyante na ‘wag magpokus sa kikitain at tandaan na ang pagbubukas ng peryahan o pasyalan ay para magbigay-saya sa mga tao at hindi para magdulot ng pangamba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments