top of page

Pambu-bully, malaki ang epekto sa pag-aaral ng mga bata

  • Kuya Win Gatchalian
  • Jan 2, 2020
  • 2 min read

Malaki ang magiging pagbabago sa buhay at pag-aaral ng estudyante dulot ng positibo at negatibong aspeto ng kanyang mga karanasan.

Gaanuman kaliit o kababaw ang pinagmulan, nag-iiwan ito ng mga marka sa puso at isipan ng indibidwal kung saan maaaring ito ay maging makabuluhan, masaya, masakit man o hindi kanais-nais.

Napag-alaman natin sa isang pag-aaral na sa 79 bansa, ang mga mag-aaral sa Pilipinas ang may pinakamataas na tsansa na makaranas ng pambu-bully.

Ito ay ayon sa pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan naitalang pinakamababa ang Pilipinas sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Math at Science.

Kaya naman, nananawagan tayo sa Department of Education (DepEd) na maging istrikto sa pagpapatupad ng mga pamantayan laban sa pambu-bully kasunod ng pagsasabatas nito.

Ayon sa PISA, 65 porsiyento ng mga mag-aaral natin sa high school ang nakararanas ng ilang insidente ng pambu-bully sa isang buwan.

Lumalabas na mas mataas ito sa 23 porsiyentong naitala sa ibang bansang lumahok sa naturang assessment.

Base pa sa nasabing pag-aaral, ilan sa mga posibleng epekto sa mga biktima ng pambu-bully, maging ang mga nambu-bully ay ang hindi pagpasok sa klase, mas mahinang performance sa pag-aaral at pag-dropout sa eskuwelahan.

Bukod dito, ang mga estudyante na nagsabing nakaranas sila ng pagbabanta ay may markang mas mababa ng 56 puntos sa pagbabasa o Reading Comprehension kung ihahambing sa mga hindi nakaranas ng pagbabanta.

Ayon sa pag-aaral, ang mga estudyanteng nakaranas ng panunukso ay nakakukuha ng markang mas mababa ng 13 puntos kung itutulad sa mga hindi tinutukso.

Para sa kaalaman ng lahat, ang PISA ay isang programa ng international organization na Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na naglalayong suriin ang educational system ng isang bansa sa pamamagitan ng pagsukat sa kakayahan ng mga batang may edad 15 sa mga paksang Reading, Math at Science.

Naniniwala ang inyong lingkod na ang pakikibaka sa bullying ay hakbang upang maiangat ang mga marka ng mag-aaral sa PISA, lalo na at mayroong epekto ang bullying sa academic performance ng mga bata. Dahil dito, kailangan nating tingnan ang kabuuang larawan kung bakit pinakamababa sa PISA at nahuhuli ang ating mga mag-aaral.

Kasalukuyan na malakas ang panawagan na iangat ang kalidad ng edukasyon ngunit, upang magawa natin ito, kailangang masiguro nating ligtas ang mga paaralan upang matuto nang husto ang mga mag-aaral.

Napakalawak ng usaping ito kung susuriin dahil hindi lamang mga estudyante ang dapat turuan sa aspetong ito, pati mga awtoridad ng paaralan, miyembro ng komunidad at pamilya ng mga mag-aaral ay mayroon ding responsibilidad para makamit ang mithiing ito.

Responsibilidad din nila na protektahan ang mga mag-aaral laban sa anumang uri ng pambu-bully o panunukso na nakaaapekto sa academic performance ng mga bata.

Ayon sa PISA, isa sa mga pinakamabisang paraan upang labanan ang pambu-bully ay hikayatin ang mga saksi ng mga insidente na pumanig sa mga biktima.

Dahil dito, nais nating muling bigyang-halaga ang pagtuturo ng Values Education sa mga paaralan sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1224 na naglalayong gawing core subject ang Comprehensive Values Education, kasama na rito ang Good Manners and Right Conduct (GMRC).

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page