Higit 600 pamilya nasunugan

Sumiklab ang dalawang sunog sa magkahiwalay na insidente sa Pasay at Maynila.
Ayon kay Pasay Bureau of Fire FSupt. Edgar Tanawan, nagsimulang sumiklab ang sunog sa bahay na pag-aari ng Pamilya Cuenca sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Bgy. 69, Pasay, kamakalawa ng gabi.
Sugatan naman ang isang lalaki na kinilalang si Neil Aldrin.
Sa nangyaring sunog, tumagal ng hanggang alas-10:00 ng gabi bago idineklarang fireout ng Bureau of Fire Protection.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sunog at halaga ng pinsala ng ari-arian na tinupok ng apoy.
Samantala, nasa 600 pamilya ang nawalan ng bahay habang dalawa naman ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area kahapon ng umaga sa Pasig Line, Sta. Ana, Manila.
Batay sa ulat ng Manila Fire Department, nagsimula ang sunog alas-3:59 ng madaling-araw at umabot sa Task Force Alpha ang alarma at idineklarang fireout bandang alas-7:00 ng umaga. Ayon kay Bgy. Capt. Jaime Co, Jr., nagsimula ang sunog mula sa ikalawang palapag ng bahay ni Mina Sabindro.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Winnie Trebo, 41, na nasugatan sa tuhod at Arjhay Caldeon, 27, na nasugatan naman sa kamay.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog na may pinsalang nasa P2.5 milyon. Agad namang kumalat ang apoy dahil karamihan sa bahay ay pawang yari sa light materials.





Comments