top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Mga Top News ng 2019

  • Year Ender News
  • Dec 31, 2019
  • 6 min read

ENERO 'WORK FROM HOME', APRUB! PINIRMAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11165 o “The Telecommuting Act”. Layunin ng naturang batas na payagan ang pagtatrabaho sa bahay ng ilang piling empleyado gamit ang telecommunication o computer technology ngunit, base sa magiging kasunduan ng employer at ng kanyang empleyado.

UMABOT sa 27 ang napatay habang tinatayang 77 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Simbahang-Katolika sa Bgy. Walled City sa Jolo, Sulu. Unang naganap ang pagsabog sa loob ng Marian Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa kasagsagan ng misa. Nangyari ang ikalawang pagsabog sa parking area ng Cathedral sa kasagsagan naman ng pagresponde ng mga awtoridad sa naunang pambobomba.

PEBRERO MGA MADRE, SEX SLAVES NG MGA PARI — POPE FRANCIS SA unang pagkakataon, inamin ni Pope Francis ang nagaganap na pang-aabuso sa mga madre na gawa ng ilang mga pari. Ayon sa Santo Papa, dahil sa nasabing kaso, napuwersa ang kanyang sinundang si Pope Benedict na isara ang buong kongregasyon ng mga madre na inabuso ng mga pari.

NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang maging batas ang Rice Tariffication Bill. Sa ilalim ng batas, magtatanggal ng limitasyon sa importasyon ng bigas kasabay naman ng pagpapataw ng taripa sa imported rice. Layunin ng batas na damihan ang supply ng bigas sa bansa para mapababa rin ang presyo nito sa merkado.

IPINAGBAWAL ang pag-angkat, pagbenta at pamamahagi ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa bansa. Ito ay matapos tuluyang bawiin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang certificate of product registration (CPR) ng Dengvaxia.

GANAP nang batas ang Expanded Maternity Leave Bill matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa ilalim ng batas, mabibigyan ng 105 araw na bakasyon nang may bayad ang mga nanay na nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor na nagsilang ng kanilang anak.

MARSO PWDs, PASOK SA PHILHEALTH NILAGDAAN ang Republic Act 11228 kung saan awtomatiko nang miyembro ng PhilHealth ang lahat ng persons with disabilities (PWDs). Kasunod na rin ito ng ginawang pag-amyenda sa Magna Carta for Persons with Disability.

IBINASURA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang-batas na nagbabawal sa mga magulang na parusahan nang pisikal ang kanilang mga anak bilang paraan ng pagdisiplina. Ito ay makaraang i-veto ni Pangulong Duterte ang Senate Bill No. 1477 at House Bill No. 8239 o “An Act Promoting Positive and Nonviolent Discipline, Protecting Children from Physical, Humiliating or Degrading Acts as a Form of Punishment”. Kabilang dito ang paninipa, pamamalo at pananampal maging ang non-physical na pananakit sa mga bata tulad ng pagpapahiya sa harap ng publiko at pagmumura.

ABRIL LUZON NILINDOL NIYANIG ng Magnitude 6.1 na lindol ang Zambales gayundin ang iba pang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila. Kaugnay nito, 18 ang naitalang nasawi habang mahigit 200 ang nasugatan. Samantala, inobligang lumabas muna ng mga gusali at mall sa Makati City, Mandaluyong City at Quezon City ang mga tao kasunod ng Magnitude 6.1 na lindol. Ang iba ay nag-unahan nang lumabas ng gusali matapos maramdaman ang malakas at may katagalang lindol.

MAYO 4Ps, FOREVER NA! PIRMADO na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na layuning gawing permanente ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Layunin ng 4Ps o Republic Act (RA) 11310 na magkaloob ng tulong- pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya para sa kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon. Sa ilalim ng batas, sa loob ng pitong taon ay maglalaan ang gobyerno ng conditional cash transfers para sa mga kuwalipikadong mahihirap.

IPINROKLAMA ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) ang 12 senador at mga partylist groups na nanalo sa katatapos na May 13 midterm polls. Ang kabuuang bilang ng valid ballots ay 47,296,442 kung saan umabot sa 74.31 percent ang voter's turnout.

HUNYO MGA ESTUDYANTE, LIBRE NA SA TREN INABANDONA habang papalubog ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda matapos mabangga ng Chinese fishing vessel sa Rector Bank sa West Philippine Sea. Nakaangkla ang F/B GIMVER 1 nang mabangga ng bangka ng China. Aabot sa 22 tripulante at mangingisda ang sakay ng nadisgrasyang bangka.

INAPRUBAHAN ang libreng pasahe sa mga estudyante sa MRT 3, LRT 2 at Philippine National Railways (PNR) mula Lunes hanggang Biyernes (maliban kung holiday) sa mga piling oras ng biyahe. Libre na rin ang terminal fee para sa mga estudyante sa mga paliparang pag-aari at pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), gayundin sa mga pantalang pag-aari at pinatatakbo ng Philippine Ports Authority (PPA).

HULYO DAGDAG-BUWIS SA YOSI, BATAS NA PINIRMAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11346 o ang pagpapataw ng mas mataas na excise tax para sa mga tobacco products. Layunin nitong protektahan ang kalusugan ng mga Filipino at makakolekta ng dagdag na revenue para sa implementasyon ng Universal Health Care Act.

GANAP nang batas ang Safe Space Bill o Anti-Bastos Bill na naglalayong labanan ang gender-based sexual harassment sa kalsada, public places, online, workplaces at educational and training institutions. Batay sa Republic Act No. 11313, bawal ang paninipol, panghihipo, mga homophobic, transphobic o mysogynistic remarks o mga negatibo at sekswal na patutsada sa mga babae at maging sa miyembro ng LGBT, unwanted invitations at iba pang uri ng gender-based harassment.

SA ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, umapela ito sa Kongreso na ibalik ang death penalty bilang parusa sa mga heinous crimes na may kinalaman sa iligal na droga at plunder. Ganundin ang pagpasa sa bagong Salary Standardization Law (SSL) upang taasan ang suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.

Sa pagbubukas naman ng 18th Congress, re-elected si Senator Vicente ‘Tito’ Sotto III, bilang Senate President habang Speaker of the House of Representatives naman si Taguig Congressman Alan Peter Cayetano.

IBINASURA ni Pangulong Duterte ang Security of Tenure Bill. I-vineto o ibinalik ng Pangulo sa Kongreso ang enrolled bill. Layunin sana ng panukala na tuluyang tuldukan ang ENDO para sa mga pribadong manggagawa.

AGOSTO MURANG KURYENTE, PIRMADO NA HINDI na ipapasa sa mga konsiyumer ang utang ng National Power Corporation (Napocor) dahil babayaran na ito ng gobyerno. Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11371 o “Murang Kuryente Act” noong August 8 ngunit, kahapon lamang inilabas ang naturang dokumento. Layunin ng batas na bawasan ang rate ng kuryente sa pamamagitan ng paglalaan ng share ng gobyerno mula sa Malampaya natural gas project sa Palawan para pambayad sa utang ng Napocor.

IBINASURA ng Sandiganbayan ang P102 bilyong forfeiture case na inihain laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating First Lady Imelda Marcos at sa 11 nilang cronies. Sa 67-pahinang desisyon ng 2nd Division ng anti-graft court, ikinatwiran nito na hindi sapat ang ebidensiya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) para madiin ang mga Marcos sa umano’y ill-gotten wealth nito.

NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na magpapahintulot sa mga manggagawa sa mga hotel, restoran at iba pang kahalintulad na mga establisimyento na makatanggap ng 100 porsiyento ng service charge na nakolekta mula sa mga kostumer.

PINIRMAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para payagan ang mga korte na parusahan sa pamamagitan ng community service ang mga may minor offenses. Nilagdaan ang Republic Act No. 11362 o kilala sa tawag na Community Service Act noong August 8 sa halip na ikulong mula isa hanggang 30 araw. Kabilang sa minor offenses ang alarm and scandal, malicious mischief, sinasadyang pagbasag ng mga produkto ng iba at sanhi ng kaguluhan sa gitna ng isang religious activity.

SETYEMBRE SAME-SEX MARRIAGE, NO WAY! — SC IBINASURA ng Korte Suprema ang petisyon na naglalayong maging legal ang same-sex marriage sa bansa. Sa desisyon na pinonente ni Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Supreme Court na ibinasura ang petisyon dahil sa kawalan ng legal standing ng petitioner na si Jesus Falcis.

NABULGAR ang iba’t ibang raket o ilegal na kalakaran sa New Bilibid Prison — laya for sale, ‘hospital referral official pass’, ‘Tilapia’, ‘catering’, ‘special request’ etc. Mga preso rin umano na bata ng mga drug lords na nagiging hired killers.

MAKALIPAS ang 19 taon mula nang ideklarang polio free ang Pilipinas, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may naitalang kauna-unahang kaso ng polio sa bansa.

OKTUBRE MINDANAO NIYANIG NG 6.6 NIYANIG ng Magnitude 6.6 ang malaking bahagi ng Mindanao. Batay sa National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 200 katao ang sugatan at may mga gumuhong eskuwelahan, ospital, simbahan at city hall.

NOBYEMBRE VP LENI, PASOK SA DRUG WAR PORMAL na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice-President Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na isa na ring cabinet position. Hiniling nito kay Robredo na pamunuan ang kampanya laban sa ilegal na droga. Gayunman, matapos ang higit dalawang linggo na panunungkulan ay sinibak din ito ng Pangulo. Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na wala siyang tiwala kay Robredo na hawakan ang classified information sa war on drugs. Nakukulangan din umano ito sa performance ng Bise-Presidente.

INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga vape smokers na nasa mga pampublikong lugar. Kasabay nito ang kautusan sa Bureau of Customs na ihinto na ang pag-import ng mga vape o electric cigarettes.

DISYEMBRE

30TH SEA GAMES SA 'PINAS, WORLD-CLASS! PORMAL na binuksan ang ika-30 Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas na may motto na “We Win as One”. Hinangaan ang naging opening ceremony na pang-world-class. Kaugnay nito, ‘Pinas ang naging overall champion.

TULUYAN nang ipinagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Mayo 2020. Dahil dito, idaraos na ang susunod na Bgy. at SK Elections sa Disyembre 2022. Matatandaang, ito na ang ikatlong pagkakataon na naudlot ang nasabing halalan.

MATAPOS ang isang dekada, ibinaba na ng Quezon City Regional Trial Court ang hatol na guilty laban sa ilang mga utak at iba pag akusado sa Maguindanao massacre kabilang ang mga miyembro ng Pamilya Ampatuan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page