Personal info, bank account nakukuha.. Holiday greetings sa SocMed, delikado
- V. Reyes
- Dec 31, 2019
- 1 min read

Nagbabala sa publiko ang grupo ng cybersecurity experts tungkol sa mga kuwestiyunableng pagbati ng Pasko at Bagong Taon sa mga sikat na social media at iba pang messaging platform.
Ayon sa Cybersecurity Philippines, isang non-profit computer security incident response team, dapat mag-ingat ang lahat sa pagbubukas para mabasa ang mga mensahe ng pagbati tulad ng kumakalat ngayon sa messenger ng Facebook.
Diin ng grupo, maaaring malagay sa alanganin ang mga device o gadget at personal na online accounts ng sinumang indibidwal na matutuksong buksan ang message greetings na laganap na ring naisi-share kahit ng mga magkakakilala sa social media.
Ang biktima ay makatatanggap ng greetings notification sa mga sikat na messaging app tulad ng messenger ng Facebook. Kapag binuksan ng biktima ang link ng pagbati ay dadalhin ito sa kaduda-dudang website at pagkatapos ay hihingin ang pangalan at iba pang data ng biktima habang tumatakbo ang malisyosong file na kumukuha ng detalye.
Ang nakakalap na mga impormasyon ng malisyosong file ay maaaring magamit para magaya ng nasa likod ng mapanlinlang na holiday greetings at posibleng magamit sa iba’t ibang uri ng pagnanakaw tulad ng identity theft o sa mga mahahalagang transaksiyon sa bangko at iba pa.
Pinapayuhan ng grupo ang mga nabiktima ng pekeng holiday greetings na agad baguhin ang kanilang password sa mga online banking at social media account.
Dapat ding mai-reset ang browser na ginamit sa pagbukas sa website, mag-update ng anti-malware software at magsagawa ng system scan.
Inaabisuhan din ang publiko na magtanong muna sa kaibigan na nagpadala ng mensahe ng pagbati kung talagang galing sa kanya at maging mapanuri bago buksan.





Comments