Natuklaw ng cobra, sign na may darating na tukso
- Socrates Magnus
- Dec 30, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Lady Gemini ng Lady_Gemini@ facebook.com.
Dear Professor, Nanaginip ako ng mga ahas at cobra, gayundin, natuklaw ako. Sana ay mabigyang-pansin n'yo ito dahil hindi na ito maalis sa isipan ko. Maraming salamat!
Naghihintay, Lady Gemini
Sa iyo, Lady Gemini, Sinisimbolo ng cobra ang tukso sa buhay ng babae dahil ito ay sinasabing kalarawan ng maselang bahagi ng katawan ng lalaki.
Kapag napanaginipan ang cobra, sa tunay na buhay ay may nagtatangkang tumukso sa nanaginip. Kapag natuklaw ang nanaginip, ibig sabihin, siya ay nabiktima ng cobra o maaaring maghari sa nanaginip ang tukso.
Gayunman, hindi agad-agad nangangahulugan na ang tukso at siya ay magiging magkarelasyon dahil sa mundo ng panaginip, ang natuklaw ng cobra ay nagsasabing sa isip niya, siya ay bumigay.
Kumbaga, natalo ang kanyang isipan kaya ito masasabing natukso. Ito ay dahil may iba pang katangian ang cobra na nagustuhan ng isipan.
Halimbawa, kung hirap sa buhay ang nanaginip, ang sinabi ng kanyang isip ay magkakapera siya o giginhawa ang buhay niya.
May pagkakataon din na ang sinasabi ng isipan ay hindi ka masaya sa sitwasyon kaya ang ligayang kanyang hinahanap-hanap ay nasa cobra na iyong napanaginipan.
Medyo mahirap nang paniwalaan na dahil bumigay ang isip at natukso ang nanaginip.
Kumbaga, sasabihin ng mga kumokontra na wala namang aktuwal na nahulog sa tukso, sa isip lang ‘yun kaya hindi masasabing nahulog sa tukso.
Ganito ang nasusulat, letra-por-letra, “Sinabi ni Lord Jesus Christ, kapag nagnasa ang isip sa taong may asawa, siya ay nagkasala na ng pangangalunya.”
Mas magandang tang-gapin natin ang pangaral ni Jesus dahil sinabi Niya na ang sinumang naniniwala sa Kanya ay bibigyan Niya ng magagandang kapalaran.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo
Comments