top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Markado at world class ang Pinoy billiards ng 2019

Eddie M. Paez, Jr.
Dec 30, 2019
2 min read

Nagtapos ang nakalipas na 12 buwan na walang pangdaigdigang titulong naiuwi ang mga manunumbok ng bansa pero markado pa rin ang pagiging world class cue artists ng ating mga atleta kung pagbabasehan ang resulta ng mga torneong nilahukan nila.

Naghalinhinan sina Carlo Biado, Jeffrey De Luna, Jeffrey Roda, Rubilen Amit at Anton Raga sa pamumuno ng atake ng Pilipinas sa iba’t ibang bakbakan.

Nag-ambag din ng karangalan si Alex Pagulayan sa labas ng battlefield dahil sa pagpasok nito sa Billiards Congress of America (BCA) Hall of Fame.

Buwan ng Hunyo nang ang pinagsanib-puwersa nina Biado at De Luna ay nagbigay sa bansa ng isang runner-up finish sa prestihiyosong Wolrd Cup of Pool na ginanap sa Leicester, England.

Ang torneo ay dalawang beses nang pinagharian ng mga kinatawan ng Pilipinas pero sa taong 2019, sina Austrian Mario He at Albin Ouschan ang nanguna.

Nagbulsa ang tambalang Pinoy ng halagang $30,000 bilang pabuya sa pagiging segunda.

Segunda rin ang pinakamataas na puwestong naabot n6 36-taong-gulang na si “Black Tiger” Biado sa pinakaunang edisyon ng World Pool Billiards Association (WPA) Players’ Championships na nasaksihan sa Las Vegas, Nevada noong Abril.

Halagang $7,000 ang naiuwi niya noong Abril. Isang Taiwanese (Kevin Cheng) ang nakasikwat ng korona.

Ang snooker specialist na si Jefrey Roda ay sumikwat din ng runner-up honors sa International Billiards and Snookers Federations World Men’s Championships sa Antalya, Turkey noong isang buwan.

Sa labas ng war zone, Hulyo nang ianunsiyo ang pagpasok ng 41-anyos na si “The Lion” Pagulayan sa BCA Hall of Fame.

Ang tubong Isabela na manunumbok na ang pang-apat na bilyaristang Pinoy na napabilang sa piling listahan. Nauna rito, nasa talaan na rin rin sina Jose “Amang” Parica, Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.

Nagparamdam ng kanyang husay sa international scene ang Cebuanong si Raga matapos itong pumangalawa sa malupit na China Open (Shanghai, Setyembre) at pumangatlo sa All Japan Men’s Championships (Amagasaki, Nobyembre) matapos kapusin ang iba pang kinatawan ng Pilipinas.

Sa China Open din napanalunan ni “Bingkay” Amit ang pangalawang puwesto sa kababaihan sa likod ng Intsik na si Chen Simming. Pinagkalooban din si Amit ng pilak na medalya sa katatapos na World 9-Ball Women’s Championships.

Isang 2-3 na pagtatapos ang ipinoste nina “Robocop” Orcullo at De Luna sa US 10-Ball Open.

At siyempre pa, hindi na mawawala sa kasaysayan ang apat na gold medal na pinagtulungang hakutin nina Amit (9-Ball women’s singles; 10 ball women’s doubles), Chezka “The Flash” Centeno (10-Ball women’s singles at doubles) at Orcullo (10-Ball men’s singles) sa katatapos na Southeast Asian Games kung saan naging overall champion ang Pilipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page