top of page

Pangmatagalang kapayapaan ang kailangan, hindi lang basta peace talk

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Dec 29, 2019
  • 2 min read

Ngayong Miyerkules ay Bagong Taon na — isa na namang taon ang lumipas at sa pamamaalam ng lumang taon, palaging pinag-uusapan ang ceasefire o tigil-putukan.

Sa totoo lang, hindi ito ang tunay na kapayapaan. Kumbaga, “pansamantalang pahinga” lamang ito ng giyera at pagtutugisan ng dalawang magkaaway na puwersa.

Sa pagkakapasa ng Bangsamoro Basic Law, sama-samang pinagtutulungan ang pagpapanday ng kapayapaan sa Mindanao, pero hindi kasama sa usaping tigil-putukan ang iba’t ibang sandatahang puwersa ng Muslim.

Wala pang naaabot na anumang usapan at kasunduan ang panig ng CPP-NPA-NDF at pamahalaan. Sa halip na magkaroon ng malinaw na kasunduan ng tigil-putukan, tila magkakaiba ang sinasabi ng ilang matataas na opisyales na nakapagdudulot ng kalituhan.

Magkaiba ang sinasabi nina Presidential Spokesperson Salvador Panelo at Peace Process Chair Silvestre Bello III at ito ang problema. Kung hirap magkasundo ang magkatunggaling puwersa sa maliit na usapin ng pansamantalang tigil-putukan noong Pasko at ngayong Bagong Taon, paano pag-uusapan ng mga ito ang mas malalim na usapin ng tunay at pangmatagalang kapayapaan?

Idineklara ni Papa Francisco ang 2020 bilang taon ng diyalogo — diyalogo sa pagitan ng pananampalataya tulad ng mga Kristiyano at Muslim.

Gamitin natin ang pagkakataon ngayong Bagong Taon para isulong ang diyalogo. Kung nais natin ang tunay at pangmatagalang kapayapaan, kailangang pag-aralan at gamitin ang mga prinsipyo ng tunay na diyalogo.

Sa kanyang mensahe sa mga dumalo sa lingguhang Angelus sa St. Peter’s Square noong ika-6 ng Nobyembre 2019, iminungkahi ni Papa Francisco na lumikha ang lahat ng mga tulay ng diyalogo sa lahat ng lugar. Ayon sa Papa, kailangang tingnan natin ang mga hindi nakakakilala kay HesuKristo bilang anak ng Diyos. Hindi dapat magsimula ang ating pakikipag-usap sa pagkamuhi at pagdududa kundi sa tunay na pakikipagkapwa (empathy).

Noong nakaraang Pasko, sa kanyang homeliya, ibinahagi ni Father Bert Alejo Sj ang isang tanaga tungkol sa kapwa:

“O, biyayang hiwaga,

Sa langit at sa lupa…

Ang Maylikhang Salita

Ay nagkatawang-kapwa”

Hindi nalalayo ang natutunan nating konsepto mula kay Padre Roque Feriols Sj sa kanyang kursong Pilosopiya. Pinag-uusapan namin sina Gabriel Marcel at Martin Buber, ginamit ni Padre Feriols ang konsepto ng “pakikipagkapwa-kalooban.” Ang kalalim-lalimang antas ng diyalogo ay sa loob nagaganap at hindi sa labas. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi simpleng pagiging tao kundi ayon kay Father Bert, pagiging kapwa.

Ito ang dahilan kung bakit napakahirap umusad ng naturang peace process na isinusulong ng dalawang panig. Handa kaya ang bawat panig na sikaping maabot ang 2020 Vision sa pamamagitan ng pagsasantabi ng kani-kanilang “bias” at “hidden agenda”?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page