Movie, kahit humahataw sa takilya… Vice, aga, Coco at Vic, pare-parehong bokya sa MMFF Awards
- Ronalyn Seminiano
- Dec 29, 2019
- 2 min read
Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Kapansin-pansin na pare-parehong walang nakuhang ni isang award ang entries nina Vice Ganda, Coco Martin, Bossing Vic Sotto at Aga Muhlach (bukod sa Male Star of the Night na special award niya).
Pero for sure, kesa malungkot ang mga ito ay dedma na lang lalo’t sila ang nasa Top 4 kung box office gross ang pag-uusapan.
Buhay na buhay naman ang mga Noranians sa awards night dahil nakatanggap si Ms. Nora Aunor ng Hall of Famer Best Actress award together with Amy Austria, Vilma Santos-Recto at Maricel Soriano, pero sad to say, no show ang nag-iisang Superstar.
On behalf of Maricel, si Meryll ang tumanggap ng award. Sey niya, “Hindi po ako si Maricel Soriano pero may ipinapasabi po ang tita ko. ‘Ilang dekada nang kabahagi ng Paskong Pinoy ang Metro Manila Film Festival kaya’t isang karangalan para sa akin na makatanggap ng Best Actress award galing sa MMFF. Parang kailan lang din, ‘yung Girl, Boy, Bakla, Tomboy, Filipinas, Bahay Kubo at Yesterday, Today and Tomorrow. Ito ang mga pagkakataon na ipinagpapasalamat ko sa Diyos at nabigyan ako ng maraming pagkakataon katabi ng pamilyang Pilipino sa kanilang pagba-bonding tuwing Pasko. Sa lahat po ng naniwala noon at mga patuloy na naniniwala sa akin ngayon, hindi ko kayo malilimutan. Hanggang sa pumuti ang buhok ko, karangalan kong mapasaya kayong lahat.’”
Sina Eugene Domingo at Cherie Gil na Best Supporting Actress Hall of Fame awardees ay no show dahil nasa Europe ang una at sa January pa makakabalik ng ‘Pinas.
Nang tanggapin ni Joem Bascon ng Write About Love ang Best Actor in a Supporting Role award, aniya, “Unang-una po, gusto kong magpasalamat sa Panginoon sa magandang blessing ngayong taon, sa TBA Studios, thank you. MMFF, MMDA, thank you, thank you so much. Ahm, nag-hang po ako… sorry. Gusto kong magpasalamat po kay Direk Crisanto Aquino, sa TBA Studios, thank you.
“Nag-audition po talaga ako para sa role na ‘to. First time kong maka-work sina Yeng, Rocco, si Miles. Maraming-maraming salamat sa inyo sa suporta, sa lahat ng ibinigay ninyong emosyon during ‘yung shoot natin. Thank you, thank you so much. ‘Yun lang po. Gusto ko lang po magpasalamat sa lahat ng tao dahil napaka-festive po ng araw na ito at nagsama-sama tayong lahat at napakasaya nitong araw na ito.”
Panawagan din ni Joem, “Culion! Sana, madagdagan pa po ang lahat ng mga cinemas sa lahat ng mga pelikula natin ngayong taon!”
Kasama rin kasi si Joem sa entry nina Iza Calzado, Meryll Soriano at Jasmine Curtis-Smith.
Ang direktor na si Direk Crisanto Aquino naman ang tumanggap ng award ni Yeng.
Sa speech ng Best Actress na si Juday, bukod sa pasasalamat ay may panawagan din siya.
Aniya, “Bilang konti lang po ang sinehan namin, pakidamihan naman po! Pakisabi na lang!”
Tig-P100,000 ang tinanggap ng Best Actor at Best Actress na sina Allen Dizon at Juday.
Napakaganda rin ni Bela Padilla together with Marco Gumabao na nag-host ng MMFF Awards Night at naroon din sina Sen. Bong Go, Sen. Jinggoy Estrada, JC Santos, Miles Ocampo, Ryan Agoncillo, atbp..





Comments