350 pamilya nasunugan
- M. Alfonso / G. Pleñago
- Dec 29, 2019
- 1 min read

Tinatayang aabot sa 350 pamilya ang nawalan ng bahay sa magkahiwalay na sunog sa Maynila at Pasay.
Nagtamo ng 2nd degree burn ang isang lalaki habang 300 pamilya ang nawalan ng bahay matapos sumiklab ang sunog kahapon ng umaga sa isang residential area sa Pandacan, Manila.
Kinilala ni FSupt. Rodolfo Denaga ang biktima na si John Cacho, nasa hustong edad na nagtamo ng paso sa katawan habang nagtatangkang maisalba ang kanilang gamit.
Nagsimula umano ang sunog alas-9:55 ng umaga sa kusina ng bahay ni Elpidia Nimor, kung saan umabot sa ikalimang alarma at idineklarang fireout, alas-11:57 ng umaga. Aabot umano sa 150 kabahayan ang nasunog at nasa P2 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Samantala, nasa 50 pamilya rin ang nasunugan dahil sa electrical overload sa Bgy. Santo Niño, Pasay City, kahapon ng hapon.
Napasugod pa sa lugar si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano upang tutukan ang pagbibigay ng tulong sa mga nasunugan na agad inilipat sa evacuation center sa Malibay.
Ayon sa inisyal na ulat, nagsimula ang sunog alas-12:49 ng hapon.
Agad kumalat ang apoy at natupok ang 10 bahay na pawang gawa sa light materials at kahoy.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula habang tinatayang P100,000 halaga ng naabong ari-arian.
Sa imbestigasyon, sala-salabat umano ang koneksiyon ng kuryente sa lugar na hinihinalang sanhi ng pagsiklab ng apoy.
Sinisi ni Bgy. Chairman Reynaldo Legazpi ang kawalan ng disiplina ng mga residente na hinayaang magkaroon ng sala-salabat na koneksiyon ng kuryente sa lugar.





Comments