Tuloy ang pamamayagpag ng Azkals sa 2022 Qatar
- A. Servinio
- Dec 28, 2019
- 2 min read

Masasabi na ang 2019 ang pinakamakasaysayang taon ng Football sa Pilipinas. Walang hihigit pa sa paglaro ng pambansang koponan Azkals sa kanila pinakaunang AFC Asian Cup noong Enero sa United Arab Emirates.
Kahit nabigo sa lahat ng tatlong laro kontra Tsina, Timog Korea at Kyrgyzstan, ang paglahok mismo ng mga Pinoy ay nararapat na gantimpala para sa isang disiplina na lumaki at lumago sa nakaraang dekada.
Noon, hindi na iniisip ng mga opisyal na magpadala ng koponan dahil sa kakulangan ng pondo at tiyak na matatalo lang ito subalit nagbago ang lahat dahil sa tinaguriang “Miracle of Hanoi” kung saan ginulat ng Azkals ang lahat at napasok sa unang pagkakataon sa 2010 AFF Suzuki Cup semifinals.
Napukaw muli ang atensiyon ng mga Filipino sa Football at biglang sumikat ang mga mahusay na manlalaro.
Walang mas kuminang na bituin kay Phil Younghusband, ang walang dudang mukha ng Football sa Pilipinas.
Nalungkot ang marami dahil sa biglang pagbalita ni Younghusband ng kanyang pag-retiro noong nakaraang buwan.
Kahit bata pa sa edad na 32, naglaro na ng higit 100 beses para sa Azkals si Younghusband at kabilang siya sa eksklusibong grupo ng mga manlalaro na nakagawa ng 50 o higit pang goal para sa kanilang pambansang koponan.
Tuloy pa rin ang trabaho ng Azkals kung saan nasa gitna sila ng kampanya papuntang 2022 FIFA World Cup sa Qatar at pagbalik sa 2023 Asian Cup sa Tsina.
Naglaban na ang mga Pinoy sa Tsina, Syria, Guam at Maldives at malalaman sa susunod na taon kung sino sa kanila ang tutuloy sa susunod na hakbang ng mga torneo.
Malaki ang potensiyal sana ng bagong tatag na Philippine Premier League (PPL) bilang pangunahing liga sa bansa subalit inulan ng suliranin at kontrobersiya ito kaya nagsara pagkatapos makumpleto ang dalawang laro sa una at huling araw nito noong Abril 27. Dahil dito, biglang binuhay muli ang Philippines Football League (PFL) para sa kanilang ikatlong taon noong Mayo.
Nauwi ng Ceres Negros ang dobleng kampeonato sa PFL at PFL Copa Paulino Alcantara na walang bahid ng talo.
Kasama ng Kaya Iloilo, tinaguyod ng Busmen ang watawat ng Pilipinas sa AFC Asian Cup kung saan umabot sila sa semifinals kontra sa mga ibang kampeon ng Timog Silangang Asya.
Sa mga liga ng kolehiyo, naghari ang San Beda University sa 94th NCAA at Ateneo de Manila University sa mga lalake at De La Salle University sa kababaihan ng 81st UAAP.
Nanatiling kampeon sa ika-apat na sunod na taon ang University of San Carlos sa 19th Cebu Schools Athletic Foundation (CeSAFI) habang kampeon ang University of the Philippines-Diliman sa 24th UniGames na ginanap sa Iloilo.





Comments