Hinahabol ng bolang, sign na may pinalagpas na suwerte noon, darating na ngayon
- Socrates Magnus
- Dec 28, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Cristina ng Cristina_Nivero@facebook.com
Dear Professor, Nanaginip ako ng masama at akala ko ay bangungot dahil hinahabol ako ng bolang apoy o santelmo, pero hindi ko maalala kung paano ako nakaligtas.
Naghihintay, Cristina
Sa iyo Cristina, Alam mo, iha, ang “bolang apoy” na madalas na ikinukuwento ng mga tao, ngunit hindi naman nakakasunog, dahil ayon na rin sa kanilang kuwento, bola ng apoy ang nakita nila na parang lumilipad o kumikilos nang mabilis.
Kung papansinin mo, hindi naman nasusunog ang madaanan ng bolang apoy.
Dahil kung ito ay tunay na apoy, tiyak na nasunog ang lahat ng kanyang madaanan. Kaya ang takot ng natakot sa bolang apoy ay nasa isip lang niya tulad ng nasa awitin na ang sinasabi ay “ang takot ay sa isip lang.”
Sa panaginip mo na hinahabol ka ng bolang apoy, ibig sabihin, tinatakot mo lang ang sarili mo. Para mawala ang iyong takot, ang tunay na humahabol sa iyo ay “bola ng liwanag”. Kaya bakit ka matatakot kung kaliwanagan ang humahabol sa iyo? Ang tunay na nakatatakot ay kapag kadiliman ang humahabol sa tao.
Ang mga kuwento ng bolang apoy ay may kasunod na kung saan babagsak ang bolang apoy ay may kayamanan tulad ng kasabihang “at the end of the rainbow, there is a pot of gold.”
Napansin mo ba, iha, ang rainbow ay iba’t ibang kulay ng liwanag kaya para rin itong bola ng kaliwanagan. ‘Yun nga lang, sa bola ng liwanag ay isa lang ang kulay at ito ay kulay apoy lang.
Pero bakit ka hinahabol? Siguro, ito ang mas magandang sagutin. Sa panaginip, humahabol ang mga bagay na dapat na ginawa ng tao sa kanyang nakaraan, pero hindi niya ginawa kaya siya ang hinahabol.
Dahil dito, alalahanin mo ang iyong nakaraan at may makikita kang suwerte na hindi mo kinuha, pero dahil ito ay inilaan sa iyo ng langit, kahit saan ka pumunta o kahit ano ang gawin mo, hahabulin ka nito dahil ang utos ng langit sa mga suwerte ay hanapin ka at dumapo sa iyo, by hook or by crook.
Ang santelmo ay hindi bilog o bola. Ito ay apoy din na patulis ang kalagayan kaya ito ay parang kidlat na tatama sa bagay na matusok niya na makukuryente dahil ang santelmo ay elektrisidad na biglang lumitaw.
Muli, balikan mo ang iyong nakaraan at subukan mong hanapin ang mga suwerteng pinalagpas mo, pero sa totoo lang, kahit hindi mo makita, ang sabi ng iyong panaginip ay darapo pa rin ang suwerte sa iyo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo




Comments