top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Edukasyon, tama lang iprayoridad sa National Budget para sa kinabukasan ng bansa

  • Sonny Angara
  • Dec 28, 2019
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Tulad ng palasak na pahayag ni dating South African President Nelson Mandela, ang edukasyon ang pinakaepektibong sandata ng bawat isa upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng daigdig.

Kung tayo ay may sapat na edukasyon, may sapat na kaalaman, ito ay patuloy nating mahuhulma sa pagdaan ng panahon at masasandigan natin upang iangat ang ating buhay kasama ng ating pamilya.

Kaya sa ipinasa nating 2020 National Budget na nagkakahalagang P4.1 trilyon, top priority o pangunahing prayoridad pa rin ang edukasyon.

Sa nasabing budget, ang inilaang pondo para sa edukasyon base sa inaprubahan ng dalawang sangay ng Kongreso ay P17.1 bilyon.

Sakop nito ang Department of Education (DepEd), ang state universities and

colleges (SUCs) at ang Commission on Higher Education (CHED).

Ang naturang pondo ay para matustusan nila ang kani-kanilang proyektong pang-edukasyon.

Mula sa naturang halaga, kabuuang P8.349 bilyon ang dagdag na pondong inilaan sa 114 SUCs, kabilang na ang P2.786 bilyon para sa University of the Philippines System upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan sa rehabilitasyon at konstruksiyon ng mga dagdag na gusali, hospital services program at iba pang proyekto na magpapaangat sa sistema ng unibersidad.

Samantala, ang CHED ay may budget increase na P7.1 bilyon na ibubuhos ng ahensiya sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo.

Liban dito, karagdagang P1 bilyon pa para masuportahan ang Private Education Students Financial Assistance Program.

Ito ‘yung suporta ng gobyerno sa mga mahihirap na estudyante na naka-enroll sa private schools.

At upang matiyak namang masusustinahan ng DepEd ang malalaking programang pang-edukasyon nito, binigyan din sila ng dagdag na pondo na P1.697 bilyon.

Pangunahin sa mga programang ito ng DepEd ang National Assessment System for Basic Education.

Layunin ng programa na matiyak na naipagkakaloob sa mga mag-aaral ang de-kalidad na edukasyon at para matiyak din na de-kalidad ang sistema ng pagtuturo sa mga paaralan.

Alam naman natin na sa tuwing tayo sa Kongreso at Senado ay gumagawa ng batas na magtatalaga sa National Budget, marami tayong ahensiya na prayoridad at nangangailangan ng sapat na pondo.

Pero ang edukasyon ay lubhang napakahalaga dahil malaking bagay ito sa buhay ng bawat Pilipino kaya tinitiyak natin na edukasyon ang prayoridad sa paglikha ng budget at sinisiguro nating sapat ang ibibigay nating pondo para masuportahan nila ang mga programa at proyektong magpapalakas sa ating education system.

Ang edukasyon ang natatanging pag-asa ng ating mahihirap na kababayan upang maiahon ang kani-kanilang pamilya tungo sa mas maginhawang pamumuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page