Sikreto sa perpektong game sweep ng ADMU, ibinulgar

Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraang UAAP Season 82 men’s basketball tournament, partikular sa mga hindi nakatugaygay sa buong pangyayari, aakalaing naging madali ang naging kampanya ng nagkampeong Ateneo de Manila dahil sa naitala nilang rekord na 16-0 sweep para kumpletuhin ang 3-peat.
Ngunit para sa Blue Eagles, kapag binalikan ang kanilang mga pinagdaanan, hindi biro ang dinanas nilang hirap sa kanilang naging preparasyon. At dahil sa nakita nyang sakripisyo ng kanyang mga players, tunay na ipinagmamalaki ni coach Tab Baldwin at hinahangaan ang bawat isang miyembro ng team na kinabibilangan nina SJ Belangel, Will Navarro, Gian Mamuyac, BJ Andrade, Tyler Tio, Paat Maagdenberg, Jason Credo, Geo Chiu, Troy Mallilin, Matthew Daves, Adrian Wong, Angelo Kouame, Isaac Go, Matt, Mike Nieto at Thirdy Ravena.
Dinuplika at hinigitan nila ang dating rekord na 14-game sweep na naitala ng University of Santo Tomas team na ginabayan ni coach Aric del Rosario noong 1993.
Upang magawa ito ay kinailangan pa nilang magsanay at magtungo ng Singapore gayundin sa Greece at Australia para mapaghandaan ang kinalauna’y nagawa nilang perpektong season.
Pagkatapos walisin ang 14 na laro sa double round eliminations na awtomatikong nagsulong sa kanila sa Finals, winalis din nila ang UST Tigers (2-0) para ganap na maangkin ang titulo.
“The 16-0 season is really something that we dreamed about. We didn’t talk a lot about it because we never wanted to set that as a goal. But I know that the players particularly dream about it and it is a dream season to go through unblemished,” wika ni Baldwin.
Humanga si Baldwin sa ginawang pagsasakripisyo ng kanyang mga manlalaro lalo na ang pagsasaisantabi ng kanilang tinatawag na “ego” para sa kanilang naging paghahanda. “They’re (Eagles) so much more than basketball players. It humbles me. It’s very humbling when these men sacrifice their ego. They sacrifice their,” ayon pa kay Baldwin.
Samantala sa NCAA, marami naman ang ginulat ng Colegio de San Juan de Letran sa Finals at paggapi nito sa dating 3-peat titlist San Beda para tanghaling kampeon ng Season 95 men’s basketball tournament.
Pinabilib nila ang marami nang kanilang igupo ang mahigpit nilang karibal at paboritong Red Lions, 2-1 sa finals. Dahil sa kabiguan, naudlot ang hangad ng San Beda na maiuwi ang ika-23 pangkalahatan nilang men’s basketball title.
At muli itong ginawa ng Knights sa kabila ng pagkakaroon nila ng All-Filipino o homegrown players sa pamumuno nina Jerrick Balanza, Larry Muyang at Fran Yu.
Naunsiyami rin ng Letran ang hangad sanang season sweep ng Red Lions kasunod ng naging pagwawalis ng huli ng 18 laro sa elimination round. Ang panalo ang unang titulo ng kanilang coach na si Bonnie Tan sa liga.





Comments