Hamon ni P-Du30 kay Joma Sison.. Umuwi ka, one-on-one tayo
- Mylene Alfonso
- Dec 27, 2019
- 1 min read

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison na umuwi ng bansa para magkaroon sila ng one-on-one na pagpupulong kaugnay sa peace talks.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na inatasan na ng pangulo ang mga awtoridad na huwag ipatupad o huwag arestuhin si Sison sa sandaling dumating na ng Pilipinas.
“The President is daring him to come home to the Philippines and have a one-on-one talk with the president even before this panel—no government panel involved, no panel on the communist side,” ani Panelo sa press briefing sa Palasyo.
“He is asking him to come to the Philippines, there will be no enforcement of any warrant, just come to the Philippines and talk with him,” ayon kay Panelo.
Ipinaliwanag ni Panelo na ang one-on-one na pag-uusap nina Pangulong Duterte at Sison ay hiwalay pa sa ikinakasang peace negotiations ng gobyerno at komunistang grupo.
Nais umano ng Punong Ehekutibo na makita ang sinseridad ni Sison sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.
Nabatid na nagpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 32 laban kay Sison at sa 36 na iba pang miyembro ng komunistang grupo dahil sa 1980 Inopacan massacre o pagpatay sa mga miyembro ng CPP na inaakusahang lumabag sa mga patakaran ng komunistang grupo sa probinsiya ng Leyte.





Comments