Clippers, pinagbidahan ni Leonard vs. James-Davis duo
- MC
- Dec 27, 2019
- 2 min read

Matindi talagang mamahiya sa sarili pang home court ng Los Angeles Lakers ang malupet na karibal na LA Clippers sa kanilang Christmas Day game, 111-106.
Naiiwan ang Clippers sa 12 points sa halftime, may 15 sa third quarter at pito sa nalalabing 6:39 minuto ng final canto, pero nagawa pang makahabol para itala ang 2-0 abanse laban sa Lakers ngayong season.
Ipinahiya ni Patrick Beverley ang pagbabalik ni LeBron James nang gawin ang tres puntos at tuluyang tapusin sa matagumpay na laro ang Clippers.
Nagpakawala ng impresibong double-double 35 points at 12 rebounds si Kawhi Leonard upang iangat ang Clippers sa pagwawagi.
May naiambag naman na 18 points si Montrezl Harrell maging si Paul George ay may 17 points. Nagawa pang lumaban sa 25 puntos ni Kyle Kuzma at naging top scorer ng Lakers pero hindi nakalasap ng panalo sa pang-apat na sunod na laro. Hindi rin nakatulong ang 23 points at 10 assists ni James, kahit na ang 24 points ng katambal niyang si Anthony Davis.
Ito pa naman ang unang beses na muling sumalang sina James at Davis dahil sa pansamantalang nagpahinga dahil sa pagkakaroon ng injury.
Samantala, inaasahang ang pagbabalik ni Indiana Pacers guard Victor Oladipo sa lineup ng Pacers sa Pebrero 2020 ang magpapalakas sa team na isa sa posibleng maging contender sa Eastern Conference. Pero para kay Oladipo, nais niya makapaglaro na muli sa huling bahagi ng Enero.
Nagpagaling ang All-Star guard na si Oladipo mula sa rehabilitation program dahil sa dinanas na ruptured right quad tendon noong isang taon. Nakalalaro na nitong mga nakaraang linggo si Oladipo sa Pacers. Hawak ng Indiana ang 21-10 record kasunod ng Boston sa Eastern Conference standings.





Comments