CEU, St. Claire at Enderun bida ng 2019 NCRAA at NAASCU

Patuloy pa rin ang paghahari ng mga kilalang malakas na paaralan sa mga sinasabing ibang liga ng kolehiyo sa Pilipinas ngayong 2019.
Dala ng mahusay na pamamalakad at maayos na suporta mula sa kanilang mga kapwa mag-aaral at alumni, hindi nakapagtataka na ang mga dating pangalan ang nanaig.
Sinimulan ng Centro Escolar University ang taon sa pagwalis ng hindi isa kundi dalawang liga – ang 26th National Capital Region Athletic Association noong Pebrero at 15th Men’s National Collegiate Athletic Association noong Marso. Ito ang unang sabak ng Scorpions sa NCRAA habang humaba sa tatlong taon ang pagiging kampeon nila sa MNCAA.
Nagpakita ng kakaibang lakas ang Saint Clare College of Caloocan sa pagsungkit ng kanilang ika-apat na sunod na tropeo sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) noong Oktubre.
Isa pang nagbigay-kulay sa tagumpay ng Saints ay halos sabay ang kanilang serye sa NAASCU sa serye ng PBA D-League Foundation Cup kung saan ilan sa mga manlalaro nila ay kasama sa nagkampeon na BRT Sumisip-Saint Clare.
Ang Enderun Colleges ang pumangalawa sa MNCAA at NAASCU at lumakbay ang Titans sa Iloilo para maghanap ng kampeonato sa taunang UniGames.
Subalit hindi pa rin sila pinalad at natalo sila sa Colegio de Sta. Ana de Victorias, ang kampeon ng NOPSSCEA, sa huling laro ng torneo.
Nagdiwang ang First City Providential College sa kanilang pinakaunang kampeonato sa 9th Universities, Schools and Colleges Athletic Association (UCSAA) bago matapos ang Oktubre.
Kung may bagong pangalan sa UCSAA, matagumpay na nanatili sa Diliman College ang 4th PG Flex Linoleum Universities and Colleges Basketball League (UCBL) habang tuloy pa rin ang hawak ng La Consolacion College-Manila sa 11th Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA).
Sa Cebu, bumalik sa tuktok ng 19th Cebu Schools Athletic Foundation Inc. (CeSAFI) ang Southwestern University-Phinma. Ito ang ikatlong kampeonato para sa Cobras na wagi rin noong 2012 at 2014.
Sa panig ng kababaihan, kampeon ang Enderun sa 17th Women’s College Sports Association (WCSA) na kasabay na nilaro sa MNCAA.
Pagdating ng Nobyembre, naka-ginto ang CEU Lady Scorpions sa 50th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA), ang ika-siyam na sunod para sa paaralan simula noong 2011.





Comments