Bagsik ni ‘Ursula’, 28 patay

Lumobo pa sa 28 ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ursula sa Western Visayas habang mabagal na kumikilos papalayo ng Pilipinas.
Nabatid mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMC) na kabilang sa mga nasawi ang 9 mula sa Iloilo at apat sa Capiz. Lima sa mga namatay ay menor-de-edad.
Anim naman ang iniulat na nawawala habang dalawa ang nasugatan dahil sa bagyo na partikular na nanalasa noong Araw ng Pasko.
Kaugnay nito, isinailalim na sa state of calamity ang Kalibo, Aklan upang magamit ang P2 milyong pondo ng lokal na pamahalaan na agad makatugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Mahigit 20,000 pasahero at 157 sasakyang-pandagat naman ang stranded sa mga pantalan sa rehiyon habang 60 domestic flights ang nakansela dahil sa Bagyong Ursula.
2 patay sa Eastern Samar
Iniulat ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na may dalawang residente sa lalawigan ang namatay sa Bagyong Ursula.
Tinukoy nito si Carlos Yu Beltran, 70, na nalunod matapos tangayin ng storm surge o daluyong ang kanyang bahay sa Bgy. 3, Balangkayan.
Sa Bgy. Hollywood sa Guiuan, nasawi rin ang isang Wilson Quizon Ogatio nang matamaan ng bakal sa kasagsagan ng bagyo. Maraming bahay naman sa Hernani, Eastern Samar ang binaha nang mag-landfall ang bagyo. May mga bahay ang nawasak at mga palikuran na lang ang naiwang nakatayo.





Comments