Akala nahatak ng apo.. Lola, dedo sa sunog
- V. Reyes
- Dec 27, 2019
- 1 min read

Natusta nang buhay ang 67-anyos na babae makaraang masunog ang tinutuluyan nitong bahay sa Puerto Princesa City, Palawan, kamakalawa ng gabi.
Kasabay nito, nabatid mula kay Fire Marshal Chief Inspector Nilo Caabay, Jr. na aabot sa siyam na bahay ang natupok sa sunog na nagresulta sa halaga ng pinsala sa P200,000.
Alas-7:46 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa Purok Huwaran, Bgy. Tiniguiban ng nasabing lungsod. Bandang alas-9:00 ng gabi nang tuluyang maapula ang apoy.
Ilang oras matapos maapula ang sunog ay natagpuan ng kanyang anak na si Roland ang bangkay ni Luceña Valdez.
Galing ang pamilya ng biktima sa Maynila at bumibisita lamang sa Puerto Princesa City para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa kanilang mga kamag-anak doon.
Inakala umano ng mga kaanak ni Valdez na nahatak na ito ng kanyang apo na palabas ng nasusunog na bahay.
Sinabi ni Caabay na gawa sa mga materyales na bagay na madaling masunog ang bahay na tinuluyan ni Valdez at malapit sa baybayin kaya hindi umano agad narespondehan.
Patuloy pang sinisiyasat ang pinagmulan ng apoy na galing sa bahay ng mga Valdez.





Comments