top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paglilingkod sa kapwa at sa Diyos, susi sa kapayapaan ng puso

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Dec 26, 2019
  • 2 min read

Setyembre pa lang, nagka-countdown na ang mga Pinoy para sa Pasko at hanggang unang linggo ng Enero ay nariyan pa rin ang mga dekorasyon, patunay na tayo ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo.

Salamat sa okasyong ito, muli nating iniisip ang kapayapaan. Ito ay dahil ang Pasko ay ang pagdiriwang ng kapanganakan ng prinsipe ng kapayapaan, ang ating Panginoong HesuKristo.

Noong Biyernes, may binasbasan tayong ahensiya ng pamahalaan, napansin natin na karamihan ng mga naroroon ay matatanda na o malapit nang magretiro. Dahil dito, ipinaalala natin sa lahat ang kahalagahan ng pagreretiro. Alam n’yo ba na may kinalaman ang tunay na diwa ng Pasko sa tamang pagreretiro?

Karaniwang nagreretiro ang marami sa atin sa edad na 60 pero kung sa edad na ito ay malakas pa ang empleyado, walang masamang magpatuloy sa trabaho. Pero sa kabila ng kagustuhang magtrabaho, huwag nating kalimutan ang pinakamahalagang aspeto — ang kalusugan.

Kasabay ng pagtanda, dapat malusog at malakas pa rin ang ating pangangatawan dahil sa pagkakataong ito natin mas nagagawang makabuluhan ang ating buhay.

Sa totoo lang, malungkot ang panahon ng pagreretiro dahil ito ang pagkakataon kung saan kailangan mong magpaalam sa mga bagay o gawain na ating minahal o minsang naging malaking bahagi ng ating buhay.

Gayunman, para sa mga tao na malapit nang magretiro, habang wala pa tayo sa puntong ito, alamin na natin ang mga bagay na mas magbibigay-kabuluhan sa ating buhay tulad ng paggawa ng adbokasiya — hindi lamang sa sarili kundi maging para sa iba.

Isa sa mga makabuluhang bagay na maaari nating gawin ay ang pagpapatibay ng ating kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng mabuting paglilingkod. Ang paglilingkod sa kapwa at sa Diyos ay pagkakataon kung saan natin madarama ang tunay na kaligayahan, gayundin ang kapayapaan ng puso.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po sa ating lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page