Babae, kailangang virgin, lalaki puwedeng mag-asawa ng marami... Mga paniniwala at kultura ng mga Mu
- Twincle Esquierdo
- Dec 26, 2019
- 2 min read

Maraming tradisyon at paniniwala ang mga Muslim na hindi natin alam kaya hindi tayo aware kung anu-ano at para saan ang mga ito. May alam man tayo, hindi tayo sigurado kung totoo ba ito dahil walang sapat na impormasyon tungkol dito.
Maraming nagsasabi na okay lang sa mga lalaking Muslim ang mag-asawa ng marami kahit kadugo pa nila, ngunit, totoo nga ba ito?
Mga besh, narito ang ilang tradisyon at paniniwala ng mga kapatid nating Muslim.
Unahin na natin sa kanilang pananamit. Dahil kapansin-pansin kung paano sila manamit ay malalaman natin agad na sila ay Muslim. Nakabalot ng hijab, veil o shellah ang ulo ng mga babae dahil hindi dapat makita ang kanilang buhok. Abaya naman ang tawag sa mga damit ng mga ito at maluwag para hindi bumakat ang hulma ng kanilang katawan, gayundin, makapal ang mga tela na ginagamit dito dahil kailangang matakpan ang kanilang buong katawan. Ito ang sabi ni Allah na kanilang sinusunod.
Kondura naman ang tawag sa mga damit ng lalaki, ngunit, puwede silang magsuot ng mga pangkaraniwang damit.
Samantala, nagsusuot ang mga babae ng abaya bilang respeto sa kanila ng mga lalaking Muslim at maiwasan ang rape. At kung sila man ay mabiktima ng rape, papatayin ang sinumang gumawa nito dahil sinira nila ang buhay ng babaeng Muslim.
Pagdating naman sa pagpapakasal, lubos na pinahahalagahan ng mga babaeng Muslim ang kanilang panloob at panlabas na pagkatao upang mapanatili ang kanilang kalinisan. Ibinibigay nila ang kanilang pagkababae sa lalaking pakakasalan nila at kung nilabag ito ng babae ay parurusahan o papatayin sila kaya lubos nilang iniingatan ito.
Samantala, puwedeng magkaroon ng maraming asawa ang mga lalaking Muslim basta kaya nila itong buhayin, ngunit, hindi puwede ang mga malalapit nilang kamag-anak. Puwede rin silang magpakasal sa mga babaeng hiwalay sa asawa at balo o biyuda.
Sa pagkain naman, ipinagbabawal ang pagkain ng baboy dahil ayon sa kanilang paniniwala, kapag kumain sila nito ay magkakaroon sila ng kasalanan, gayundin, marumi ito dahil marumi rin ang mga kinakain.
Dagdag pa rito, ayon sa kanilang paniniwala, kapag namatay ang Muslim, hindi nila ito iniembalsamo dahil naniniwala sila na ginawa ng Diyos na buo ang katawan kaya inililibing din ito nang buo. Pinaliliguan nila ang bangkay upang maging malinis at kung ano ang kasarian ng namatay ay kaparehong kasarian lang ang puwedeng maglinis sa katawan nito.
Gayunman, naniniwala sila sa iisang Diyos na nasa itaas at ang nag-iisang messenger ng Diyos ay si Prophet Muhammad, ang pinakahuling sugo ng Diyos at naniniwala sila na si Hesus ay isang propeta at hindi anak ng Diyos.
Ngayon, alam na natin ang ilang kultura ng mga Muslim at hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari nilang maging asawa kung sinuman ang kanilang gustuhin dahil meron pa ring limitasyon ang kanilang mga kilos at gawa.
Tiyak na maraming naguguluhan, gayunman, respeto at pang-unawa sa bawat kultura ang dapat nating gawin dahil bawat kultura at tradisyon ay pantay-pantay upang maging maayos ang pagsasama ng lahat, iba’t ibang kultura man ang ating nakasanayan. Okie?




Comments