top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagiging mabuting tao, pinakamagandang regalo ngayong Pasko

  • Ryan B. Sison
  • Dec 24, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Mula nang pumasok ang ‘ber’ months, wala na tayong ibang pinroblema kundi ang paglala ng trapik, paano pagkakasyahin ang natanggap na 13th month pay at bonus para sa mga pangangailangan ng pamilya dahil sa biglang pagtaas ng bilihin, gayundin para makabili ng mga panregalo.

Dahil dito, tumatak sa isipan ng ilan na nakaka-stress ang Pasko kaya mas marami tayong kababayan na mainit ang ulo at nauubusan ng pasensiya.

Kapag Pasko, maraming naniniwala na ito ang panahon para maging masaya, makasama ang pamilya, magbakasyon o magpahinga, magbigay at tumanggap ng mga regalo. Pero, tila marami nang nakakalimot sa totoong diwa nito.

Para sa akin, ang pinakamagandang paraan para ipagdiwang ito ay sa pamamagitan ng pagiging mabait at sensitibo sa bawat isa. Sa panahon ngayon, marami nang nakalilimot na maging mabuti at nagiging insensitive na sa halip na umintindi, nangmamaliit pa ng kapwa. Hays!

‘Wag nating kalimutan ang mga kapwa natin na walang kakayahan na gawing “merry” ang kanilang Christmas dahil sa iba’t ibang dahilan.

Tulad na lang ng mga kababayan nating nasa ibang bansa para kumayod, ‘yung tipong ilang kaarawan, Pasko at Bagong Taon ang tinitiis nilang mag-isa, makapagtrabaho at maibigay lang ang pangangailangan ng kanilang pamilya, ‘yung mga kakilala nating nawalan ng mahal sa buhay, gayundin silang mga nawalay sa kanilang minamahal na mga anak, asawa, partner at boyfriend o girlfriend.

Samantala, ‘yung iba naman ay hindi maramdaman ang Pasko dahil walang makain.

Kung tutuusin, lahat tayo ay may pinagdaraanan at iba’t iba tayo ng paraan para harapin ang mga ito habang papalapit ang Pasko.

Gayunman, wala namang masama na maging masaya ngayon kahit may pinagdaraanan tayo. ‘Yung iba nga, walang-wala at kumakalam ang sikmura, pero hindi nila ito alintana dahil para sa kanila, hindi bale nang walang handa basta walang may sakit at kumpleto ang pamilya.

Sa totoo lang, napakaraming gustong tumulong sa mga kababayan nating kapus-palad, pero hindi naman nila magawa dahil walang sapat na pera.

Pero hindi naman pagbibigay ng pera o regalo ang paraan para makatulong sa mga nangangailangan.

Magdasal tayo para magpasalamat sa Kanya sa lahat ng mga biyayang natanggap natin ngayong taon, maliit man ito o malaki.

Ngayong Pasko at hanggang matapos ang taon, ‘wag din nating kalimutan na maging mabuti at ipagdasal ang bawat isa na magkaroon ng magandang kalusugan at masayang buhay dahil ito ang pinakamagandang regalo na puwedeng matanggap ng bawat tao.

Napakasimple nitong gawin kung tutuusin, pero walang ibang magtutulungan kundi tayu-tayo rin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page