Mga diskuwento at benepisyo sa Nat’l Athletes, pagtitibayin

Kasunod ng mga panawagan hinggil sa karapatan ng pambansang atleta at coaches na makamtan ang pagkakaroon ng mga benepisyong nakasaad sa Republic Act 10699, ipinaalam ng ahensiya ng pampalakasan na umaasa sila ng buong implementasyon nito sa susunod na taon.
Inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na inaantay lamang nila ang pagpapalabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng pinal na implementasyon ng naturang batas.
“We know this is long overdue but rest assured we are doing what we can, coordinating with the concerned government agencies to effect the full implementation.
We hope for the full implementation by 1st quarter of 2020 so our athletes could swiftly avail of the benefits,” wika ni Ramirez sa isang statement.
Naging mainit ang talakayan hinggil sa nasabing benepisyo ng mga national athletes at coaches matapos idaan ni 30th Southeast Asian Games double gold medallist Agatha Wong ng Wushu sa social media ang kanyang hinaing sa pagbabalewala at hindi pagbibigay ng naturang discounts sa mga kinauukulan.“
Gets quite annoying to keep having to explain to managers,” paliwanag niya. “Some are even doubtful,” pahayag nito sa kanyang soc-med account.
Ayon na rin sa RA 10699, o mas kilala bilang ‘An Act Expanding the Coverage of Incentives to National Athletes and Coaches’, lahat ng national athletes at trainers na sertipikado ng PSC at ng Philippine Olympic Committee (POC) ay nararapat na mabigyan ng 20% discount sa lahat ng establisimyento na may kinalaman sa transportation services, hotels at ibang lodging establishments, restaurants at recreation centers at pagbili ng mga gamot at sports equipment sa anumang panig ng bansa.
Binibigyan rin sila ng karapatan sa 20% discount sa “admission fees charged by theaters, cinema houses and concert halls, circuses, carnivals and other similar places of culture, leisure and amusement.”
Ang pamunuan ng PSC ay nagsusumikap upang magampanan nito ang mga kinakailangang kapaki-pakinabang sa lahat ng national athletes at coaches.
Bilang daan ay nagsimula na itong magpadala ng liham sa BIR ngayong taon bilang tugon muli sa naunang mga liham na naipadala nito simula noong Marso 16, Oktubre 25 at Dis. 21 noong isang taon.
Ayon pa sa statement ng PSC, nagkaroon na sila ng pag-uusap ng BIR habang naipadala na nito ang kinakailangang IRR, samantalang naibalik na ng BIR ang IRR noong Hunyo 7.
Nagpadala muli ng isa pang liham ang PSC sa BIR para sa follow-up noong Agosto 8. Inihayag din ng ahensiya na sa pakikipag-usap ni Atty. Michelle Labajana (PSC Legal), naipasa na ng BIR ang regulasyon sa Department of Finance nitong Oktubre. Hinihintay na lamang ang pinal na implementasyon ng RA 10699 sec. 4 at 5.
Nakasaad sa batas na ang mga establisimyentong hindi susunod sa pagbibigay ng benepisyo ay nakatakdang pagmultahin ng mula P50,000 to P100, 000 at pagkakakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon.
Sakaling maulit muli ang violation na ito ay pagmumultahin pa ng aabot sa P100,000 hanggang P200,000, at maaring makulong ng hanggang anim na taon.
Samantala, nagpalabas ang pamunuan ng Manila City Mayor office na nananawagan sa lahat ng kawaning nasasakupan ng Maynila na mahigpit na ipatutupad ang RA 10699. “
The National Athletes and coaches benefits and incentives act in all business establishments in the city shall be strictly implemented,” wika ng statement ng Manila Public Information Office.





Comments