top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Budget, binawasan.. Mga empleyado ng PAO nagpasaklolo kay P-Digong

Madel Moratillo
Dec 23, 2019
1 min read

Maging ang mga empleyado ng Public Attorney’s Office (PAO) ay umapela na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte para i-veto ang probisyon sa panukalang Pambansang Pondo sa 2020 na naglilimita sa paggamit ng pondo ng kanilang ahensiya.

Ang tinutukoy sa liham ay ang special provision sa General Appropriations Bill para sa 2020 kung saan pinagbabawalan ang PAO na gamitin ang kanilang Maintenance And Other Operating Expenses para pondohan ang operasyon ng kanilang Forensic Laboratory Division.

Sa siyam na pahinang liham ng mga empleyado ng PAO sa pangulo, iginiit nila na unconstitutional ang pagsingit sa nasabing probisyon.

Hindi rin umano dapat umasa ang kanilang mga kliyente sa forensic laboratory ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Commission on Human Rights.

Inihalimbawa nila ang naging kaso noon ni Kian delos Santos kung saan ang mga akusado ay miyembro ng PNP.

Nakasaad din umano sa Anti-Torture Law na kasama ang PAO na inaatasang magbigay ng free legal assistance sa biktima ng torture o hindi makataong pagtrato at kailangan dito ang forensic laboratory para sa case buildup.

Bukod dito, ang Department of Budget and Management din umano ang nag-apruba sa paglalagay ng plantilla position para sa mga ilalagay na tauhan sa PAO Forensic Laboratory.

Nakasaad pa sa liham na si Pangulong Duterte na lang ang pag-asa ng milyun-milyong Pilipino lalo na ng mahihirap na umaasa sa serbisyo ng PAO at ng kanilang forensic laboratory.

Ang liham ay pirmado ng lahat ng mga empleyado ng PAO.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page