2 teenagers tiklo sa droga
- Maeng Santos
- Dec 23, 2019
- 1 min read

Nasamsam sa dalawang teenagers ang nasa P240,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana matapos maaresto sa buy-bust operation sa Caloocan at Navotas Cities.
Ayon kay District Drug Enforcement Unit (DDEU) Head PLt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, alas-12:15 ng Linggo ng hatinggabi nang masakote ng mga operatiba ng DDEU-NPD sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr. si Renato Bacsal, 19, sa buy-bust operation sa M. Naval St., Bgy. Sipac Almacen, sa koordinasyon sa Navotas Police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Rolando Balasabas.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t-kumulang sa isang kilo ng marijuana at fruiting tops na may standard drug price na nasa P120,000 at P18,000 buy-bust money, kabilang ang P1,000 tunay na pera.
Nauna rito, alas-8:20 ng Sabado ng gabi nang madamba rin ng mga operatiba ng DDEU-NPD si Jenard Velasco alyas Chong Good, 19, buyer at seller ng RTW at residente ng Bgy. 98, Zone 9, Caloocan City, sa buy-bust operation sa gilid ng Grace Park Church sa 11th Ave., Bgy. 90, Zone 8, sa koordinasyon kay P/Col. Noel Flores.
Humigi’t-kumulang sa 1 kilo ng pinutuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na may standard drug price value na P120,000 ang narekober sa suspek, P15,000 buy-bust money, kabilang ang isang P1,000 tunay na pera at motorsiklo.





Comments