top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Tamang halaga ng dagdag-sahod na dapat matanggap ng mga taong gobyerno

  • Sonny Angara
  • Dec 21, 2019
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Epektibo sa Enero 1 ng darating na taon, matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno ang dagdag-sahod matapos aprubahan ng Kongreso ang pagsasabatas ng Salary Standardization Law 5 (SSL-5) ngayong linggo, ayon ito sa inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Finance.

Sa botong 21-0-1, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 1219, kasunod ng pag-apruba ng Mababang Kapulungan ng sariling bersiyon nito ng SSL-5. Tanging si Sen. Franklin Drilon naman sa bahagi ng Senado ang nag-abstain.

Hahatiin sa apat na bigayan ang salary increase na magsisimula ngayong Enero. Ang mga susunod na tranche ay ipatutupad naman sa 2021, 2022 at 2023.

Kabuuang P130.45 bilyon ang kinakailangang pondo para sa pagpapatupad ng four tranches ng salary increase kung saan P33.16 bilyon ang kakailanganin para sa first tranche sa 2020. Ang unang pondo ay nakapaloob sa inaprubahang P4.1 trilyong 2020 National Budget.

Alam naman nating patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga pang-araw-araw na gastusin natin tulad ng pagkain, pamasahe, lalo na ang mga bayarin ng ating mga anak sa pag-aaral.

Kaya napakalaking tulong para sa mga manggagawa natin sa gobyerno na mataasan din ang kanilang suweldo. Isa pa, tiyak na mas magiging inspirado sila sa pagtatrabaho dahil dito.

Isinasaad ng SSL-5, na mula sa pinakamababang salary grade na P11,068 kada buwan na sinasahod ng empleyado ng gobyerno, tataas ito sa P11,551 sa 2020, aakyat sa P12,034 sa 2021; P12,517 sa 2022 at P13,000 sa 2023.

Para naman sa Salary Grade 11 employees o ang entry-level salary ng teachers na buwanang sumasahod ng P20,754, tataas ito sa P22,316 sa 2020. Sa taong 2021, tataas naman ito sa P23, 877, aakyat sa P25,439 sa 2022 at P27,000 sa 2023.

Binigyang-diin natin na ang tatanggap ng pinakamalaking porsiyento ng salary increase ay ang mga empleyadong nasa Salary Grades 10 hanggang 16.

Halimbawa aniya, ang mga Teacher 1 hanggang Teacher 3 ay tatanggap ng 24 percent hanggang 30 percent increase simula sa unang tranche hanggang sa ikaapat na tranche ng SSL-5.

Ang may pinakamababang percentage naman ay ang mga middle manager, executive at top official sa bansa na nasa ilalim ng Salary Grades 25-33 na may 8 percent increase lamang.

Ito ay dahil sakop na ng malaking increase sa nakaraang SSL-4 ang mga executive kaya inilaan naman ang SSL-5 sa mas mababang government employee.

Matatanggap naman ng pangulo, pangalawang pangulo at mga incumbent member ng Kongreso ang anumang salary increase sa kanilang sahod pagkatapos ng kanilang termino. Ito ang isinasaad ng Konstitusyon hinggil sa salary increases ng mga nabanggit na opisyal.

Nangangahulugan na epektibo lamang sa mga maihahalal na kongresista at senador sa 2022 ang bagong SSL-5.

Ang mga tinatawag namang sub-professionals o ang mga empleyadong nasa Salary Grades 1-10 ay may 17.5% hanggang 20.5% salary increase na ipatutupad sa loob ng apat na taon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page