OFWs sa iba‘t ibang bansa, dapat limitahan
- Ryan B. Sison
- Dec 21, 2019
- 2 min read

Hindi pinasusuweldo, halos hindi pinagpapahinga, minamaliit, nakararanas ng seksuwal na pang-aabuso — ilan lang ang mga ito sa pang-aabusong nararanasan ng ilang OFWs kapag hindi sila sinuwerte sa pangingibang-bansa.
‘Yung tipong kahit alam nilang walang matitira sa suweldo nila, todo-kayod pa rin sila para maibigay ang pangangailangan ng pamilya na nasa ‘Pinas.
‘Yun nga lang, lahat ng pagsisikap nila sa trabaho ay hindi nababayaran nang tama dahil sa abusadong amo o employer. Hays!
Kaugnay nito, lilimitahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang deployment ng mga overseas Filipino worker sa Saudi Arabia.
Ito ay dahil sa pagbuhos ng mga reklamo mula sa mga kababayang manggagawa sa Saudi na hindi sila pinasasahod ng kanilang mga amo.
Ayon sa ahensiya, tinatayang 300 OFWs sa Kingdom of Saudi Arabia ang hindi nakatatanggap ng sahod at karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa malalaking oil at construction companies, gayundin, aabot sa P4.6 bilyon ang hindi naibigay na suweldo.
Nakausap na rin ng ahensiya ang ambassador ng KSA para makialam ang gobyerno nito sa isyu, pero wala itong ginagawang aksiyon.
Batay sa record ng DOLE, may 13,000 OFWs sa KSA na hindi pinasuweldo ng kanilang mga employer ang nakabalik na sa bansa sa tulong ng pamahalaan.
Nilinaw ng ahensiya na ang magiging limitasyon sa deployment ay para sa bagong manggagawa lang kung saan kabilang sa mga maaapektuhan ay ang mga household service worker at skilled worker.
Nakalulungkot lang dahil napipilitang mangibang-bansa ang ating mga kababayan para mabuhay ang pamilya, pero bakit tila pinapatay sila?
Hindi na bago ang isyu ng pang-aabuso sa kababayan natin na nasa ibang bansa kaya dapat lang na limitahan ang pagde-deploy ng OFWs hindi lang sa Saudi kundi sa ibang bansa rin.
Suhestiyon natin sa pamahalaan, limitahan ang pagde-deploy hangga’t hindi naibibigay ang perang dapat ibigay sa mga manggagawa.
‘Wag na sana nating hayaan na dumami pa ang mga kababayan nating naaabuso dahil kawawa sila, gayundin ang kanilang pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments