Ingat-ingat din... Tips para maiwasan ang food Poisoning ngayong holiday season
- Justine Daguno
- Dec 21, 2019
- 2 min read

Ngayong Pasko, hindi maiiwasan ang pagdagsa ng mga pagkain — sa party man o sa bahay lang. Ito ang panahon kung saan sobrang abala ang kusina para magluto at maghanda ng iba’t ibang putahe na pagsasaluhan ng bawat isa.
Kaugnay nito, problema rin natin ang madaling pagkasira ng pagkain na dahilan ng food poisoning kaya naman para kay nanay o sinumang punong-abala sa kusina, narito ang ilan sa mga dapat nating gawin para maiwasan ito ngayong Holiday Season:
1. HUGASAN NANG MAAYOS ANG MGA PAGKAIN. Cross contamination ang isa sa mga pangunahing dahilan ng food poisoning. Ang bakterya ay madaling dumarapo sa mga hilaw na karne — ang escherichia coli sa hilaw na baka at salmonella naman sa hilaw na baboy o manok kaya siguraduhing mahuhugasan nang maayos ang mga ito.
2. MAGING ORGANIZED AT DISIPLINADO. Hangga’t maaari, dapat may serving spoon ang bawat lalagyan ng pagkain. Iwasang gamitan ng iisang sandok ang mga ito para hindi magsalu-salo ang mga pagkain. Make sure na kapag kumuha ng pagkain ay uubusin ito at hindi ibabalik sa pinakalalagyan para hindi ito agad mapanis.
3. LUTUIN ANG PAGKAIN SA MABABANG TEMPERATURA. Karamihan sa atin, nilalakasan ang apoy kapag nagluluto dahil sa paniniwalang mas madaling maluluto ang pagkain, pero sa totoo lang, mas okay kung lulutuin ang pagkain sa mababang temperatura dahil siguradong maluluto ang bawat sahog, partikular ang karne nang sa gayun ay maiwasan ang anumang kontaminasyon.
4. ILAGAY ANG LEFT-OVERS SA FRIDGE. Huwag iwanang nakatiwangwang o nakalagay lang sa lamesa ang mga ito dahil posible itong magalaw ng mga alaga nating hayop o kapitan ng iba’t ibang bakterya. Kung meron mang natirang pagkain, makabubuti kung ilalagay ito sa malinis na food storage saka ilalagay sa fridge.
5. I-CHECK ANG EXPIRY DATES. Mahalagang i-check ang expiry dates ng anumang produkto nang sa gayun ay maiwasan ang maling pagkonsumo nito. Karamihan sa mga produkto ay may nakalagay na expiration dates sa mismong packaging nito kaya make sure na ito ang una nating titingnan bago pa bilhin.
Bagama’t, hindi maiiwasan na may matirang pagkain sa anumang handaan, bago pa natin ito lantakan ay siguraduhin muna nating nasa maayos itong kondisyon. Tandaan, kumakain tayo para ma-enjoy ang pagkain at hindi para sumama ang pakiramdam. Gets mo?





Comments