Seryoso ang POC na mag-host ang ‘Pinas ng 2030 Asian Games

Matapos ang makasaysayan at matagumpay na hosting ng 30th Southeast Asian Games, seryoso ang bansa na makuha ang mas malaking sporting event sa Asya – ang 2030 Asian Games.
Inihayag ni Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na susubukan nilang pursigihin na makuha ang hosting ng quadrennial Asian meet. Nakatakda itong lumipad patungong Jakarta, Indonesia upang ialok ang pagbida ng bansa para sa karapatan nitong makuha ang pag-host ng Asian Games sa ikalawang pagkakataon.
“Susubukan kong makapag-submit agad ng bidding sa Jakarta, baka mga next week. Hopefully makausap natin iyong Olympic Council of Asia (OCA) but we’re race against time kase magpapasko na,” pahayag ni Tolentino, na pinuno rin ng Integrated Cycling of the Philippines.
Matatandaang naunang ipinahayag ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) head at House of Representative chief Alan Peter Cayetano ang pag-apruba ng proposal ng POC sa pag-bid sa Asian Games.
Sakaling magtagumpay si Tolentino sa pag-bid sa 2030 Asian meet ay makikipagpulong si Cayetano kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maglabas ng isang executive order para sa hahawak at magpapatakbo ng naturang event, gayundin ang pagpapalabas ng budget para sa quadrennial games.
Huling ginanap sa bansa ang Asian Games noong Marso 4-11, 1954, na mayroon lang 8 sports at 76 events.
Mismong si Presidente Ramon Magsaysay ang nagbukas ng naturang multi-sporting events na kinalauna’y pinagtagumpayan ng bansang Japan kalaban ang 18 bansa at nilahukan ng 970 manlalaro. “Tingin ko kaya na ng Pilipinas na mag-host ng mas malaking event. Tiyak ko naman na mas maraming volunteers ang may alam na sa pagpapatakbo ng ganitong event kasi alam na nila ‘yung mga tama at mali eh,” wika ni Tolentino.





Comments