Nagso-solicit sa mga residente.. 4 na ‘basurero’ arestado
- Maeng Santos
- Dec 20, 2019
- 1 min read

Kalaboso ang apat na lalaki na nag-panggap na kawani ng Valenzuela City Waste Management Division (WMD) para makapanghuthot ng pera sa mga residente ng isang barangay sa nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong estafa at usurpation of authority sina Alexis Capricho, 24; Joven Arenas, 24; Flaviano Dellete, 22, at Jomari Valiente, 21, pawang mga residente ng Bgy. Panghulo, Malabon City.
Sa nakarating na report kay Valenzuela Police Chief Col. Carlito Gaces, isang residente ng Bgy. Coloong 1 ang nagnguso sa mga pulis hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
Nakapulang kamisetang uniporme ng mga basurero ng lungsod ang mga suspek habang namimigay ng envelope para mapaniwala ang mga residente at makapag-solicit.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang puting envelope at P1,700 cash.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Col. Gaces ang mga Valenzuelano na ang mga empleyado sa lungsod ay hindi pinahihintulutang mag-solicit ng anumang mga donasyong pera at mag-ingat din sa mga taong humihingi ng mga donasyong at nagpapanggap bilang mga empleyado ng lungsod.





Comments