Hindi lang nagiging topakin, humihina rin ang mga buto… Iba’t ibang epekto sa katawan ng pagme-menop
- Jersy Sanchez
- Dec 20, 2019
- 2 min read

Karamihan sa atin ay naniniwala na kapag nasa menopausal stage ang babae, palagi itong wala sa mood o masungit. ‘Yung feeling na ‘pag may masungit tayong kaibigan, ang hirit agad natin ay, “nag-menopause ka na, ‘teh?” Agree?
Pero bukod sa paniniwalang ito, knows ba ninyo na may iba pang epekto ang pagme-menopause sa ating katawan? Hmmm…
1. REPRODUCTIVE SYSTEM. Kapag nagbabago na ang iyong ‘period’ noong mga nakalipas na taon sa perimenopause, hindi pa ito matatawag na menopause hangga’t hindi tuluyang humihinto ang inyong period. Ibig sabihin, hihinto na sa pagpo-produce ng eggs ang katawan para sa fertilization.
Gayunman, nakaaapekto sa ilang bahagi ng reproductive system ang menopause. Kapag hindi ka nakararanas ng monthly cycle, hindi na maaaring kumapal ang cervical mucus sa kalagitnaan ng cycle, gayundin, maaaring makaranas ng overall vaginal dryness at kawalan ng libido, pero hindi ito permanente.
2. ENDOCRINE SYSTEM. Ang endocrine system ay ang dahilan kung bakit hormones ang responsable sa reproduction. At dahil dito, ang hormones ay may kaugnayan sa menopause o kakulangan ng estrogen at progesterone.
Sey ng mga experts, ang hot flashes ay isa sa mga kilalang epekto ng menopause kung saan nangyayari ito dahil sa kakulangan ng estrogen at ito ay maaaring tumagal ng ilang taon pagkatapos ng menopause.
Gayundin, hot flashes ang sanhi ng biglaang pagkaramdam ng init at pagpapawis anumang oras at tumatagal nang ilang minuto. Sa pagma-manage ng hot flashes, napakahalaga ng lifestyle changes tulad ng pag-iwas sa pag-intake ng maiinit na inumin.
3. NERVOUS SYSTEM. Ang menopause ay nakaaapekto sa overall mood. Gayundin, maaaring makaranas ng mood swings ang nagme-menopause na maaaring magresulta sa pagkairita. At kapag paulit-ulit na nakaranas ng depresyon o anxiety sa loob ng ilang linggo, mabuting kumonsulta sa eksperto dahil ang menopause ay maaaring mag-trigger ng depresyon.
Gayundin, ang pagtulog sa gabi ay challenge rin sa nagme-menopause kung saan ang pagbagsak ng estrogen ay maaaring maging sanhi ng hot flashes at pagpapawis na nagiging dahilan ng hirap sa pagtulog.
4. IMMUNE AND EXCRETORY SYSTEM. Ayon sa mga eksperto, ang pagbaba ng estrogen level ay maaaring mauwi sa bladder leakage o incontinence. Mas madalas na maiihi ang dumaranas ng menopause, gayundin, may “leak” ‘pag tumatawa o nagwo-workout at bumabahing. Ang madalas na pag-ihi ay maaaring makaabala sa pagtulog.
5. SKELETAL AND MUSCULAR SYSTEM. Ang menopause ay nagiging sanhi ng pagkawala ng density ng mga buto. At dahil dito, tumataas ang tsansa ng bone fractures, gayundin, ang mga menopausal woman ay may mataas na tsansa ng pagkakaroon ng osteoporosis.
Aha! Hindi lang pala mood ang apektado kundi pati ang mga buto at ilang sistema sa ating katawan.
Anyway, kapag nakaranas ng ilang sintomas ng pagme-menopause at duda ka dahil feeling mo ay hindi ka pa qualified dahil bata ka pa, make sure na kokonsulta kayo sa mga eksperto. Copy?





Comments