Multa at community service sa magtatambak ng basura sa sidewalk ng bahay
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 19, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Naglinis ako ng aming bahay at marami akong naipong mga basura. Dahil puno na ang aming basurahan, nais kong itambak muna ito sa sidewalk sa tabi ng aming bahay. Nais kong malaman kung may batas ba na sumasaklaw sa ganitong sitwasyon? — Emily
Dear Emily, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Sections 48(1) at 49(a) ng Republic Act (R.A.) No. 9003 na mas kilala bilang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000” kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Section 48. Prohibited Acts - The following acts are prohibited: (1) Littering, throwing, dumping of waste matters in public places, such as roads, sidewalks, canals, esteros or parks, and establishment, or causing or permitting the same; xxx
Section 49. Fines and Penalties - (a) Any person who violates Sec. 48 paragraph (1) shall, upon conviction, be punished with a fine of not less than P300 but not more than P1,000 or render community service for not less than one (1) day to not more than fifteen 15 days to an LGU where such prohibited acts are committed, or both;”
Ayon sa nasabing batas, isa sa mga ipinagbabawal na gawain ay ang pagtapon ng basura o waste matter sa mga pampublikong lugar tulad ng mga daanan at sidewalk. Ibig sabihin, labag sa batas ang inyong binabalak na itapon ang mga naipong basura sa sidewalk sa tabi ng inyong bahay. Dahil dito, maaari kayong maparusahan ng multa na hindi bababa sa P300 hanggang P1,000 o mag-community service ng hindi bababa sa isang (1) araw hanggang labinlimang (15) araw sa local government unit (LGU) kung saan nagawa ang ipinagbabawal na gawain.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.




Comments