Isa na lang sa Ginebra!

Pinaglaruan ng Barangay Ginebra ang NorthPort Batang Pier matapos itarak ang 132-105 panalo sa Game 3 ng PBA Governors’ Cup semifinals kagabi sa Araneta Coliseum.
Kumayod si import Justine Brownlee ng 41 points, 11 rebounds at pitong assists para tulungan ang Gin Kings na ilista ang 2-1 serye at makalamang sa best-of-five series.
Namumuro na ang Ginebra sa pagsampa sa championship round, maaari nilang tapusin ang laban sa Biyernes.
Nagtala sina Japeth Aguilar at Jeff Chan ng tig 18 at 17 puntos ayon sa pagkakasunod para sa Gin Kings.
Nagpasiklab agad sa opensa ang Gin Kings sa simula ng laban, tinarak nila ang 64-48 bentahe sa halftime.
Hindi na pinahabol ng crowd favorite na Ginebra ang Batang Pier sa third canto, umabot sa 28 puntos ang kanilang lamang, 100-72 papasok ng fourth.
Sinabayan na lang ng Gin Kings ang NorthPort sa payoff period para manatili ang malaking bentahe at makuha ang matamis na panalo.
Samantala, nakabawi Meralco Bolts sa Game 2 matapos nilang kawawain ang TNT KaTropa, 114-94 noong Martes ng gabi Araneta Coliseum.
Walang ibang kinapitan ang Bolts kundi si import Allen Durham kaya paniguradong siya pa rin ang sasandalan upang mapitas ang pangalawang sunod na panalo pagharap nila sa KaTropa sa Game 3 ng best-of-five semifinals ngayong alas-7 ng gabi sa Big Dome.
Humarbat si Durham ng 44 points, 19 boards at 11 assists para itabla ang series sa 1-1.Lumamang agad ng malaking bentahe ang Bolts sa unang dalawang periods halos tapos na ang laban sa halftime dahil 34 puntos ang lamang ng Meralco, 63-29.
Ipinaramdam agad ng tropa ni Meralco head coach Norman Black ang kanilang lakas, humarurot sila sa simula ng bakbakan.
Kapit ng Bolts ang 18-point lead, 23-5 may 6:08 minuto pa sa first canto dahil sa mainit na opensa ni Durham at kasama si local Baser Amer. Umalagwa hanggang 19 ang lamang ng Meralco, 35-16 sa pagtatapos ng unang quarter. “We had a lot more energy, we played a lot more physical than we did in Game 1, and we executed a lot better on offense, particularly in the first half.
Those are the things you’re gonna have to do to beat a team like TNT because they’re a tough team and very difficult to beat,” sabi ni Black.
Laro ngayon: (Araneta Coliseum) 7:00 p.m. - Meralco vs TNT KaTropa





Comments