Best performance ng SEAG athletes, asam sa Olympics

Matapos ang nakuhang tagumpay sa 30th Southeast Asian Games ay sunod na pupuntiryahin ng bansa ang paghahanda sa darating na 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.
Inaasam ng pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) na masundan ang magandang performance ng mga Filipinong atleta sa quadrennial meet.
Ayon kay national training director ng Philippine Sports Institute (PSI) na si Marc Velasco, nais ng ahensiya ng pampalakasan na mabitbit ng mga pambansang atleta ang nagawa nilang pagsisikap at paghihirap upang mas maitaas pa ng bansa ang bilang ng mga kuwalipikado sa 2020 Summer Olympics.
“We firmly believed that we will be able to carry over yung efforts and yung energy ng ating mga athletes. We are still very high sa ating success, kaya we believed we might have a big contingent in Tokyo,” pahayag ni Velasco, na siyang naging representante ng Team Philippines Chef De Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez sa lingguhang session ng PSA Forum sa Amelie Hotel sa Maynila. “An Olympic medal is better than a SEA Games medal. So andun muna yung energy, yung focus ng PSC, to provide for the athletes to be able to qualify for the Olympics.”
Kabilang na sina World gymnastic champion Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena sa mga Filipinong nakakuha na ng silya sa Tokyo Games na nakatakdang maganap simula Hulyo 24 hanggang August 9, 2020. Umaasa naman ang iba pang mga pambato ng bansa na sina 2016 Rio De Janeiro Games silver medal winner Hidilyn Diaz, judoka Kiyomi Watanabe, skateboarder Margielyn Didal, world boxing champion Nesthy Petecio, World Boxing Championship silver medalist Eumir Marcial, at iba pang mga manlalaro mula sa athletics, swimming, fencing, golf at taekwondo na makakakuha ang mga ito ng ticket patungong quadrennial meet.
Ang mga nabanggit na Filipinong atleta ay mga nagsipagwagi ng gintong medalya sa katatapos lang na SEA Games na malaki ang naging ambag upang makuha ng bansa ang ikalawang overall title ng bansa.
Para umano kay Velasco, ibang senaryo na ang kakaharapin ng mga Filipinong atleta gayong kasunod agad ng matagumpay na pagkapanalo sa biennial meet ay susundan agad ng pinaka-mataas na palaro sa pandaigdigang kompetisyon. Hindi gaya umano noong pagkapanalo ng bansa sa 2005 Manila meet, tatlong taon pa ang lumipas bago ito magkaroon ng Olympics.
Gayunpaman, naging maganda ang kinalabasan ng 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, kung saan nagwagi ang bansa ng apat na ginto, anim na pilak at siyam na tansong medalya. “It’s a different scenario in 2005. We didn’t have an Olympic year after that,” wika ni Velasco. “So it’s a different environment then. (But now) ang Olympics is just six months away. At yung mga Pilipino, we’re still high on our success. So if we still have more athletes qualifying in the first quarter in the Olympics, tuluy-tuloy lang po ang suporta (ng PSC).”
Idinagdag ni Velasco na pupunan pa rin nila ang pandaigdigang ensayo ng mga Filipinong atleta lalo na sina Yulo sa Japan at Obiena sa Italya. “Kami naman we want ‘yung mga mag-qualify sa Olympics to really train where they are best suited,” sambit ni Velasco.
Noong 2016 Olympics sa Rio De Janeiro, nagpadala ang Pilipinas ng kabuuang 13 atleta kung saan nagwagi ng silver medal si Diaz sa women’s -53 kgs event ng weightlifting.





Comments