10 seconds na lang puwedeng mag-park sa mga kalsada

Kahit may ‘no parking’ sign sa gilid ng mga kalsada, tila walang nakikitang signage ang ilang drayber at nakahilera pa rin ang mga sasakyang nakaparada sa maraming lugar.
Sa ibang kalsada naman, magkabilang gilid ang nasasakop ng mga nakaparadang sasakyan, dahilan kaya hirap makadaan ang mga motorista na sanhi rin ng pagbigat sa daloy ng trapiko.
Ganitong mga eksena ang gustong wakasan ng House Bill No. 922 o an act regulating the use of roads for safe, fast and economic transport.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang parking o pagtigil ng higit 10 segundo ng sasakyan sa mga kalsada sa buong bansa. Nakasaad din na may sampung segundo lang ang sasakyan na magsasakay at magbababa sa bahagi ng kalsada na katapat ng mga establisimyento.
Nakapaloob din sa panukala na lahat ng kalsada sa mga subdivision ay mapasasailalim sa LGU. At kung ang pribadong kalsada ay ginagamit ng maraming property owner, puwede itong buksan sa publiko.
Samantala, marami namang nagpahayag ng opinyon sa isinusulong na panukala.
May mga naniniwalang pahirap lang ito sa mga kababayan nating walang garahe kaya hirit ng iba, ang kalsada ay nariyan para daanan ng mga motorista at hindi gawing paradahan na nagiging sanhi ng pagbara ng mga daanan.
‘Yan tayo, eh, ayaw nating maperhuwisyo, pero tayo ang namemerhuwisyo. Tsk!
Paliwanag naman ng iba, kahit may parking space ang ilang establisimyento o ibang gov’t. agencies, may pagkakataong hindi ito sapat, kaya walang choice ang mga drayber kundi gumarahe sa kalsada.
Kaya suhestiyon natin, sana maglaan ng karagdagang parking space ang bawat establishment at gov’t. agencies para maging kampante ang mga drayber na iwanan ang kanilang sasakyan habang may inaasikaso sa labas.
Sa totoo lang, hindi kailangan ng batas para bawalan ang mga motorista na mag-park sa mga kalsada.
Mas mabuting tutukan ang ‘no garage, no car’ policy dahil kung multa o ticket lang ang kapalit nito sa isinusulong na batas, hindi magtatanda ang mga pasaway at baka lalo pang dumami.
Panawagan natin sa kinauukulan, bigyang-pansin muna ang mga isyu noon na hindi pa nareresolba ngayon dahil kung matetengga lang ito at tatapalan ng kung anu-anong pansamantalang solusyon, tayo pa rin ang magdurusa pagdating ng panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments