Songbird, tinalakan, na-hurt… Sigaw ng fans: Kampo ni Regine, sino-solo ang lakas ng benta ng concer
- Ador Saluta
- Dec 18, 2019
- 2 min read

Ikinagulat ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez ang akusasyon ng kampo ni Sarah Geronimo na sino-solo diumano niya ang credits sa halos sold-out nang concert nila sa February, 2020.
Ang nasabing concert na unang pagsasamahan ng dalawa ay nakatakdang gawin sa February 14 at 15 sa Araneta Coliseum.
Ang isyu ay kumalat sa socmed makaraang simulan nitong Linggo (December 15) ang online na bentahan ng tickets para sa Unified concert ng Asia’s Songbird at Popstar Royalty.
Ilang minuto bago mag-Lunes ay nagbigay ng update sa Twitter ang kapatid ni Regine na si Cacai Mitra, na nagkumpirmang “almost sold-out” na ang tickets.
Si Cacai ay mula sa I-Music Entertainment (IME), isa sa mga producers ng Unified.
Tweet ni Cacai: “#UNIFIED Tickets as of Dec 15 11PM Less than 12 hours and we’re almost sold out except for the Upperbox and GA!!! Yehey!!! @reginevalcasid @vivaliveinc.”
Makalipas ang ilang minuto, inulan ng komento mula sa mga fans ni Sarah ang post ni Cacai dahil hindi naka-tag sa tweet ang Popstar Royalty.
Para sa Popsters, “nakaka-offend” na hindi nai-tag si Sarah sa update ni Cacai tungkol sa ticket sales.
Ang iba, ipinamukha pa kay Cacai na si Sarah at hindi si Regine ang dahilan kaya nakakalula ang bilis ng bentahan ng concert tickets.
Sinita ng karamihan sa mga fans ni Regine ang mga fans ni Sarah dahil ginawan umano ng isyu ang simpleng hindi pagkaka-tag sa kanilang idolo sa tweet ni Cacai. Pero, giit ng isang Popster, “not acceptable” para sa kanila ang katwirang nakalimutan lang i-tag si Sarah sa post. Ipinaalala rin ng mga fans ni Sarah na “collab” at hindi “solo” ni Regine ang Unified.
Ipinagtanggol naman ni Regine ang kapatid na si Cacai at sinabing posibleng hindi nito alam na may Twitter account si Sarah kaya hindi nai-tag.
Aniya, “My sister probably didn’t know Sarah has a Twitter account and you guys are making such a big dial [deal] about it.”
Ayon sa Asia’s Songbird, marami na siyang naging concert, pero ito lang ang nagkaroon ng isyu.
“Gusto ko lang sabihin na sa lahat ng concerts na gagawin, ito lang ang may issue.
“Sa dinami-rami kong collab na ginawa, ngayon lang kami naakusahan na we are taking all the credits.”
Kabilang sa mga latest na nakasama ni Regine sa concert ay sina Vice Ganda (The Songbird and The Song Horse, February 2019) at Sharon Cuneta (Iconic, October 2019).
Sa huling tweet ni Regine, pinrangka niya ang mga fans ni Sarah na nasaktan siya sa akusasyon ng mga ito laban sa kanya at sa kapatid na si Cacai.
Aniya, “Nakaka-disappoint. I have never experienced this. And I have worked with a lot of artists.
“Sorry, but you guys are breaking my heart (three heartbreak, three crying emojis).”
Maraming fans ni Regine ang nagtanggol sa kanya laban sa mga Popsters. Anila, hindi dapat iniisyuhan ng mga fans sina Sarah at Regine na mistulang “mag-nanay” ang turingan at kilalang “love ang isa’t isa.”
Giit naman ng ibang Twitter followers ni Regine, sana ay tigilan muna ng mga fans ang pag-aaway-away at suportahan na lang ang pinakahihintay na concert ng dalawa.





Comments