POC, naibigay na ang P200k sa gold medalists

Tumanggap na ng cash incentives na tig-P200,000.00 mula sa Philippine Olympic Committee (POC) ang mga nagsipagwagi ng gintong medalya sa katatapos lang na 30th Southeast Asian Games, kahapon sa Conrad Hotel sa Pasay City.
Kabilang ito sa mga pabuyang matatanggap ng mga atletang Pinoy na nagsipagwagi ng medalya, kasama na ang mga silver at bronze medalist ngayong Miyerkules sa Malacañang Palace na pangungunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Dalawang gold medals ang naiuwi nina 2018 Jakarta-Palembang skateboarding champion Margielyn Didal sa women’s street competition at sa Game of SKATE category Wushu artists Agatha Wong na wagi sa Taijiquan at Taijijian events; hindi naman matatawaran ang nagawa ni Carlos Edriel “Caloy” Yulo na umukit ng 2 gold at 5 silver medals sa men’s artistic gymnastics.
Tig-tatlong gold medals ang nakuha nina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Manalo Nualla sa single dance Viennese Waltz, Tango at all five dances, habang sina Wilbert Aunzo at Pearl Caneda ay nanaig sa single dance rumba, cha-cha at samba para sa Dancesports na tumanggap ng tig-P100,000.00.
Ganito rin ang halagang natanggap nina Mark Jasyson Gayon at Mary Joy Renigen na golds sa waltz at Foxtrot habang sina Angelo Marquez at Stephanie Sabalo nang kumuha ng single dance paso doble at all-five dances para sa kabuuang 10-gold medal haul ng mga ito. ”The POC is giving out cash incentives to our SEA Games gold medalist for the first time,” pahayag ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino. “Ito na iyong maibibigay natin for our athletes who give their all to make our countrymen proud of what they’ve achieved and also for winning the overall championship,” dagdag nito. Mayroong tig-P75,000 ang may 3-4 na miyembro ng koponan, habang ang mahigit 5 miyembro ay may tig-P50,000.00.
Biniyayaan din ng POC ang silver medalist ng P50,000 kada isa, habang P30,000 ang makukuha ng 3 o lagpas pang miyembro. Lahat ng bronze medalist ay may P30,000 kada isa. Kung susumahin ay aabot sa P52.87 M ang ipinamahagi ng local Olympic body. “Binibigay lang naman natin ng kapalit ang lahat ng paghihirap ng ating mga atleta. This is the least we can do for them,” saad ni Philippine Cycling chief.
Pormal ding ibinigay sa mga bagong miyembro ng Local Olympic Body ang pag-apruba ng membership status ng anim na bagong miyembro ng quadrennial body na kinabibilangan ng Modern Pentathlon, Surfing, Bridge, Kurash, Jujitsu at Sambo.Nakatanggap ng insentibong P300,000, P150,000 at P60,000 ang mga nagsipagwagi ng ginto, pilak at tansong medalya, ayon sa pagkakasunod, alinsunod sa Republic Act 10699.





Comments