P-Digong, hindi nasindak ng Manila Water at Maynilad, laban lang!
- Bobi Tiglao
- Dec 18, 2019
- 3 min read
Tama ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na palagan ang mga oligarkiya na matagal nang nagkakamkam ng yaman mula sa taumbayan.
Napunta sa puntong ito si Pangulong Duterte matapos niyang malaman na sinisingil nang bilyones ang gobyerno ng dalawang dambuhalang kumpanya ng tubig, ang Manila Water (pagmamay-ari ng mga Ayala) at Maynilad Water Services (pinamumunuan ng Pangilinan-Salim-Consunji).
Ang matindi, humingi ng tulong ang mga sakim na kumpanya sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Singapore para makakuha ng P7.4 bilyon mula sa gobyerno at tayong karaniwang Pinoy ang magbabayad nito.
Imbes na gastusan ang mga silid-aralan, pasilidad ng mga pampublikong ospital, dagdagan ang sahod ng mga guro, nurse at iba pang manggagawa at sa halip na maayos ang daloy ng trapiko, madagdagan ang mga bagon ng MRT/LRT, subway, airport at iba pa, mapupunta lang ang kaperahan sa bulsa ng mga sakim na ito.
Mabuti na lang at makabayan ang kasalukuyang pangulo, may malasakit siya sa kanyang mga nasasakupan. Hindi niya pinalampas ang pang-aabusong ito.
Matatandaang, nagsampa ng kaso ang Manila Water at Maynilad, ang dahilan ay nalugi raw ang kanilang negosyo nang hindi sila pinayagang magtaas-singil mula pa noong nakaraang administrasyon.
Isang malaking kasinungalingan ito dahil ayon mismo sa kanilang financial report, ang net income ng Manila Water mula noong 2015 hanggang 2018 ay umabot ng P25 bilyon habang ang Maynilad naman ay kumita ng tumataginting na P37 bilyon mula noong 2013 hanggang 2017, tapos sasabihin ng mga ito na nalugi raw sila?
Noong termino pa raw ni ex-P-Noy naganap ito, pero sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon sila nanggugulo. Kaya naman, matapos silang pagmumurahin ng pangulo at pinagbantaan pa na kakasuhan ang kanilang mga bossing, biglang-tiklop ang mga ito at sinabing hindi na raw nila sisingilin ang P7.4 bilyon mula sa gobyerno. Umurong ang b—y—g ng mga ehekutibo ng kumpanya at sumulat pa sa pangulo na parang nagmamakaawa.
Naku, sa umpisa lang ‘yan, kunwari mabait, pero pustahan, pagbaba sa puwesto ng pangulo, babalik ulit ang mga ito sa kanilang kabulastugan. Pwe!
Ang sitwasyong ito na kasalukuyang nangyayari sa bansa ay dulot ng sistema kung saan kontrolado ng mga elitista o oligarkiya ang mahalagang aspeto ng ekonomiya at karamihan sa kanila ay mga banyaga.
Kontrolado ng mga ito ang distribusyon ng tubig at elektrisidad sa bansa at maging ang media ay hawak din nila (ang Indonesian billionaire na si Antoni Salim ang may hawak sa Channel 5, Cignal TV, Philippine Star, Business World etc. at “front” lamang si Manny V. Pangilinan).
Sa totoo lang, bawal sa ating Konstitusyon ang sistemang ito. Hindi maaaring humawak ng anumang personal utilities ang mga banyaga.
Pero ang tanong, napansin man lang ba ito sa Senado? Hindi. Ito ay dahil takot sa mga oligarkiya ang mga senador. Hawak din sila ng mga elitista kaya kapag lumaban sila, siguradong ‘goodbye’ ang kanilang donasyon para sa kanilang kampanya.
Gayunman, ang tanging solusyon para matanggal na ang mga oligarkiya sa ating industriya ng tubig at kuryente ay kung papasok ang gobyerno at ito ang magte-takeover ng operasyon.
Kapag gobyerno ang magpapatakbo nito, siguradong bababa ang presyo ng tubig at kuryente.
Hindi aabusuhin ng gobyerno ang mamamayan, hindi sila magkakamal ng bilyun-bilyon na tulad ng ginawa ng mga sakim na kumpanya.
Malaki ang pagkakaiba ng gobyerno sa pribadong sektor — kapakanan ng mamamayan ang prayoridad ng gobyerno .
Importante ang laban na inumpisahan ni Pangulong Duterte kontra sa mga oligarkiya hindi tulad noong panahon ni ex-P-Marcos, hindi siya basta uurong kaya dapat lamang na imbes pag-isipan ng masama o mag-astang talangka, suportahan natin ang pangulo.




Comments