top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Nanlilimos o nanlalamang — para-paraan, uso na naman!

  • Ryan B. Sison
  • Dec 18, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Naranasan n’yo na bang magbigay ng barya sa mga nagso-solicit sa pampublikong sasakyan?

‘Yung tipong kung hindi batang may dalang sobre ang sasampa sa jeep, dalawang lalaki naman na may dalang death certificate o mga reseta at litrato ng kamag-anak na namatay o nasa ospital?

Bago manlimos, magkukuwento sila na ililibing nang araw na ‘yun ang kamag-anak at hindi pa sapat ang pampalibing kaya nagbabakasakali silang makaipon sa pamamagitan ng panlilimos.

Minsan naman ay ooperahan o naaksidente ang anak o pamangkin at walang pampagamot dahil tinakbuhan ng nakasagasa kaya walang mapagkuhanan ng tulong-pinansiyal.

Dahil sa mga ganitong kuwento o katwiran nila, hindi mapigilan ng iba na maawa at mag-abot ng barya para makatulong.

Sa paulit-ulit na mga eksenang ito, hindi tuloy natin alam kung maniniwala pa tayo sa kanila o hindi.

‘Yung kahit gusto nating tumulong, hindi tayo sigurado kung saan makararating ang tulong na ibinigay natin.

Ang nakapagtataka, madalas naglalabasan ang mga nagso-solicit na may ganitong eksena tuwing ‘ber months’ at minsan, pagkatapos mag-solicit ng isa sa jeep o bus, may kasunod na.

May ilan namang pasahero na nagsa-suggest na humingi ng tulong sa gobyerno, pero iniisnab lang nila ito.

Sa panahon ngayon, napakahirap tukuyin kung sino ang totoong nangangailangan at nanlalamang lang. At kahit anong kilatis mo, kapag magaling umarte at mangungunsensiya ang nambibiktima, kawawa na naman ang ating kababayan.

Kahit ayaw nating manghusga, mapapaisip tuloy tayo kung talaga bang nangangailangan sila o ito ang kanilang modus?

Kung paraan man ito para manloko sa mga kababayan natin, mahiya naman kayo! Hindi natin alam, baka ‘yung kaanak na matagal nang namayapa o ibang taong naaksidente ay pinagkakakitaan n’yo pa. Tsk!

Para naman sa totoong nangangailangan ng tulong, ‘wag kayong mahiyang lumapit sa gobyerno.

‘Wag tayong magbakasakali sa kalye dahil baka sa halip na makalikom ng pera, mapagbintangan pa kayong kawatan.

Maraming paraan para makalikom ng tulong at hindi pamamalimos ang solusyon dahil may mga ahensiya ng gobyerno at NGO na handang tumulong sa inyo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page