Hindi lang pag-solicit para sa raffle.. Alak sa X’mas party, bawal

Pinaalalahanan ng Civil Service Commission ang mga tanggapan ng gobyerno tungkol sa mahigpit na pagbabawal sa pagkonsumo ng alak sa mga idaraos na Christmas Party.
Tinukoy ni CSC Commissioner Aileen Lizada ang 2011 CSC resolution na nagsasaad na bawal ang pagkonsumo ng nakalalasing na inumin sa bisinidad ng tanggapan ng pamahalaan sa oras ng trabaho.
“Number 1, bawal ho ‘yung mga alcohol within government offices, premises. So, kahit na sa parking lot or ‘yung mga nasa field offices. Exceptions lang po, kung may mga ceremonial toast,” ani Lizada.
Kung isasagawa ang party nang office hours, dapat aniyang may skeletal force na naiiwan upang maasikaso ang mga nagtutungo sa opisina. Dapat din aniyang manggaling ang panggastos sa party sa pondo ng ahensiya.
“Usually, they allocate a certain amount for ganitong klaseng celebration. But it has to be within COA (Commission on Audit) guidelines. Kasi magbi-bidding ka ng pagkain. Huwag ho exorbitant, huwag unnecessary expenditures. Just a simple celebration,” dagdag pa ng opisyal.
Ipinaalala rin ni Lizada na mahigpit na ipinagbabawal sa mga taga-gobyerno ang pag-solicit ng mga premyo sa raffle.
“‘Yan po ang bawal na bawal. You will fall under Republic Act 3019. A government official or employee, we are not allowed to solicit directly or indirectly. And any solicitation letter ho na sinusulat is one anti-graft case,” pahayag pa ni Lizada.





Comments