Kawawa raw ang mga mawawalan ng trabaho… Sen. Lito, umapela kay P-Digong sa pagpapasara sa ABS-CBN
- Janice DS Navida
- Dec 17, 2019
- 2 min read

Looking good pa rin at parang hindi tumatanda si Sen. Lito Lapid nang humarap sa entertainment press kahapon sa ipinatawag niyang thanksgiving party kung saan present din sa event na ginanap sa Max’s Resto ang kanyang anak na si former Pampanga Gov. Mark Lapid.
Biniro nga namin si Sen. Lito kung ano ang sikreto niya at parang hindi tumatanda at aniya, tamang tulog at ingat sa pagkain lang, plus exercise siyempre.
Matagal-tagal na ring hindi napapanood sa TV ang aktor-pulitiko mula nang mawala ang karakter niya bilang si Pinuno sa sikat na sikat na serye ni Coco Martin na Ang Probinsyano. Aminado si Sen. Lito na nami-miss niya ang serye at malaki ang pasasalamat niya kay Coco dahil muli siyang nakilala ng bagong henerasyon ng manonood.
Pero kahit nawala siya sa Ang Probinsyano, tuloy pa rin naman ang komunikasyon nila ni Coco at in fact, naikuwento ni Sen. Lito na kanya ‘yung kabayong ginamit ng aktor sa MMFF movie nito ngayong 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon kasama sina Ai Ai delas Alas, Jennylyn Mercado at Sam Milby.
Sa ngayon, bagama’t balik-Senado si Sen. Lito, may pinaplano silang pelikula na pagsasamahan nila ng mga kapwa action stars na sina Sen. Bong Revilla, Jr., Robin Padilla, Phillip Salvador, Coco Martin, Sen. Manny Pacquiao at Sen. Tito Sotto.
Exciting ang movie dahil mala-The Expendables ng Hollywood ang concept nito kung saan pinagsama-sama ang malalaking action stars ng industriya.
Samantala, dahil balik-Senado nga si Sen. Lito, nahingi ang reaksiyon niya tungkol sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na papayagang ma-renew ang franchise ng ABS-CBN after March, 2020.
Nalungkot si Sen. Lito at ang sagot, “Kawawa naman, huwag naman. Marami ang mawawalan ng trabaho. Basta, magdasal na lang tayo. Sana, walang mawalan ng trabaho.”
Dagdag pa niya, masyadong sensitive ang isyung ito kung saan isa nga siya sa mga magdedesisyon kapag umakyat na sa Senado ang resulta ng botohan sa Kongreso.





Comments