12-15 taong kulong sa mga tirador ng road signage, lusot na!
- Ryan B. Sison
- Dec 17, 2019
- 2 min read

Ang mga road signage ay ikinakabit para sa kaligtasan ng mga motorista at pedestrian, pero kung mawawala ang mga ito dahil ninakaw, paano na?
Kaugnay nito, inendorso na ng House Committee on Revision of Laws na aprubahan sa plenaryo ang panukalang-batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa pagnanakaw o paninira sa mga road signage at iba pang warning devices, accessories at pasilidad.
Ito ay matapos aprubahan ng komite ang House Bill No. 2090 ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng 12 hanggang 15 taong pagkakakulong o multang P200,000 hanggang P300,000 ang mga magnanakaw ng road signage. Dagdag ni Abu, ang pagsira ng road signs, warning devices at mga takip ng manhole ay dapat maparusahan ng anim hanggang sampung taong pagkakabilanggo at -multang P100, 000 hanggang P150, 000.
Samantala, base sa datos ng DPWH, aabot sa mahigit 42,000 piraso ng naikabit na signage ang nanakaw at sinira hanggang noong January 2013.
Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit umabot sa mahigit 15,000 ang naitalang aksidente sa buong bansa mula noong Hunyo 2016 na ikinasawi ng mahigit 1,000 katao at hanggang ngayon ay tumataas pa ito dahil sa nakawan ng mga road signage.
Sa kasalukuyang batas, hindi sakop ng pinarurusahan ang pagnanakaw ng traffic signage, warning signs at traffic protective devices tulad ng manhole at highway o bridge railings.
Dapat lamang na bigatan ang parusa at kapag naipatupad, sana ay sampulan agad ang mahuhuli para magtanda.
Napakaraming dahilan ng mga aksidente sa kalsada kaya sana, sa pamamagitan ng panukalang ito, maubos ang mga salot na nagnanakaw na nga, perhuwisyo pa. Tsk!
Panawagan sa pamahalaan, ‘wag nating hayaang madagdagan ang mga kababayan nating naaaksidente sa kalsada dahil sa kalokohan ng iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments