Pambu-bully, malaki ang epekto sa problema sa pag-iisip, dapat tutukan

May mga nakararanas pa rin ng iba’t ibang klase ng pambu-bully sa eskuwelahan, trabaho at online.
At dahil dito, hindi natin maitatanggi na naaapektuhan ang mental health, pisikal na pangangatawan at performance sa paaralan ng ilan dahil sa pambu-bully.
Kamakailan, lumabas sa isang pag-aaral sa halos 80 bansa na ang mga mag-aaral sa Pilipinas ang may pinakamataas na tsansa na makaranas ng pambu-bully.
Ito ay base sa pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan pinakamababa ang Pilipinas sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Science at Math.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga mambabatas sa Department of Education (DepEd) na maging istrikto sa pagpapatupad ng mga pamantayan laban sa pambu-bully at pagsasabatas nito.
Ayon sa PISA, mahigit 65% ng mga mag-aaral sa hayskul ang nakararanas ng insidente ng pambu-bully sa isang buwan kung saan mas mataas ito sa mahigit 20% na naitala sa ibang bansang lumahok sa naturang assessment.
Base sa pag-aaral, ilan sa mga posibleng epekto ng pambu-bully sa mismong bully at biktima ay ang hindi pagpasok sa klase, mahinang performance at pag-dropout mula sa paaralan.
Ang mga estudyanteng nagsabi na nakaranas sila ng pagbabanta ay may markang mas mababa ng higit 50 puntos sa Reading Comprehension kung ihahambing sa mga hindi nakararanas.
Gayundin, ang mga estudyanteng nakaranas ng panunukso ay nakakuha ng markang mas mababa sa 13 puntos kung ikukumpara sa mga hindi tinutukso.
Samantala, naniniwala ang mga mambabatas na ang paglaban sa bullying ay hakbang upang maiangat ang marka ng mag-aaral sa PISA, lalo na kung may epekto ito sa academic performance.
Sa totoo lang, nakakalungkot dahil kulelat na nga tayo sa Reading Comprehension, Science at Math, dagdag-problema pa ang pambu-bully sa mga estudyante.
Kaya panawagan natin sa kinauukulan, kasabay ng pagtutok sa ilang subjects sa mga mag-aaral, huwag din sanang kalimutan ang mahahalagang isyu tulad ng pambu-bully.
Ang problema kasi, ‘pag na-bully ang estudyante, bitbit na niya ito hanggang sa pagtanda.
‘Yung tipong hindi stable ang kanilang emosyon, tuluyan nang nawala ang interest sa mga bagay na gustong gawin noon at naging bayolente. Hays!
Pakiusap din sa mga magulang, ‘wag nating hayaang maging bully o ma-bully ang mga anak natin dahil hindi ito makabubuti.
‘Wag tayong manghinayang sa oras na ilalaan para tutukan sila sa pag-aaral at pakikipag-usap o pangungumusta sa ating mga anak.
Hindi biro ang isyung ito kaya sana, ‘wag itong isnabin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments