Magnitude 6.9 sa Davao.. Supermarket gumuho, 3 patay

Apat na residente ang iniulat na nasawi sa Magnitude 6.9 na lindol sa Matanao, Davao del Sur, kahapon ng hapon.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Director for Operations Chief Superintendent Samuel Tadeo, may inilunsad nang rescue operation para sa mga naipit pang biktima nang gumuho ang isang supermarket sa Padada, Davao del Sur.
Sinabi naman ni Matanao Mayor Vincent Fernandez na may anim na taong gulang ang namatay sa lindol sa kanilang lugar.
Nauna rito, niyanig ng Magnitude 6.9 na lindol ang Davao del Sur na nakaaapekto sa ilang lugar sa Mindanao. Batay sa paunang impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, alas-2:11 ng hapon nang maitala ang malakas na lindol sa layong limang kilometro ng Matanao, Davao del Sur.
May lalim na tatlong kilometro ang pagyanig na tectonic ang pinagmulan.
Naitala ang Intensity VII sa Matanao, Magsaysay, Bansalan at Hagonoy sa Davao del Sur at sa Digos City. Intensity VI sa Padada, Sta. Maria, Sulop, Kiblawan at Malalag sa Davao del Sur; Kidapawan City; General Santos City; Malungon, Sarangani at Columbio, Sultan Kudarat.
Intensity V sa Magpet at Arakan, Cotabato; Cotabato City; Tulunan at Matalam, North Cotabato; Davao City; Glan at Alabel, Sarangani; at Tupi, South Cotabato habang Intensity IV sa Kadingilan, Damulog, Don Carlos, Pangantucan, Kitaotao, Kalilangan at Talakag, Bukidnon; Isulan, Sultan Kudarat; at Lake Sebu, South Cotabato. Intensity III sa Dangcagan at Maramag sa Bukidnon; Gingoog City; Cagayan de Oro City habang Intensity II sa Impasugong at Libona sa Bukidnon; Dipolog City; Tubod, Lanao del Norte; Butuan City at Intensity I sa Molave, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, posibleng ang paggalaw ng Tangbulan Fault na may habang 69.2 kilometro ang naging sanhi ng malakas na pagyanig.





Comments